4,968 guests

Suporta ng LGU sa Pederalismo at laban sa korapsyon hiniling

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Nation
  • Read: 326

ISINUSULONG ng grupong Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) ang isang malawakan na kampanya laban sa katiwalian at kriminalidad sa buong bansa kaugnay ng pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing mapayapa at ligtas ang bansa para sa lahat.

Kaugnay nito, isusulong din ng MRRD-NECC ang pagbibigay ng malawak na edukasyon at impormasyon para sa lahat ng lokal na pamahalaan tungkol sa Pederalismo.
   
Nagbabala naman ang grupo na kilalang prente na sumuporta kay Pangulong Rody na hindi dapat maiwan ang usapin ng katiwalian at korapsyon na tila naisantabi anila dahil sa mahigpit na pagtutok sa iligal na droga at kriminalidad.
   
Inalok din ng MRRD-NECC ang taumbayan na lumahok sa pagbabago at tulungan si Pangulong Duterte sa pagbaka sa lahat ng uri ng korapsyon kasabay ang pag-ubos sa mga elemento na sangkot sa iligal na droga at krimen.
   
Nagpahayag naman ng kalungkutan ang grupo tungkol sa mga negatibong pahayag ni VP Leni Robredo sa nagaganap na pagbaka laban sa krimen. Tinukoy nila ang mga pahayag ni Robredo sa mga pulong sa Amerika na siya ang panauhing tagapagsalita at inulit lang niya ang akusasyon ng mga kritiko ukol sa paglabag sa karapatang pantao.
   
Ayon kay dating Quezon City Rep. Dante Liban na siyang pangulo ngayon ng People’s National Movement for Federalism (Penamfed) na siyang katuwang ng MRRD-NECC sa pagsusulong ng Pederalismo, kailangang maging mas mapanuri ang bise presidente sa kaniyang mga pananalita dahil baka lalong makagulo lamang ito.
   
“Bagama’t siya ay nasa kalabang partido, tinanggap siya nang maluwag sa puso ni Pangulong Duterte bilang kaagapay at kaalyado sa pamumuno,” ani Liban sa isinagawang pulong pambalitaan kasama sina Martin Dino na bise presidente ng MRRD, Engr. Roberto Gavina, Virginia Paguio, Rocky Corte ng Liga ng mga Barangay sa NCR at iba pang opisyal ng MRRD-NECC.
   
“Walang hangad ang MRRD-NECC na maki­pagtalo kaninuman bagkus ay mapag-isa ang lahat ng sector kasama ang LGUs, DOJ, Ombudsman, COA para labanan ang katiwalian at korapsyon sa bansa pati ang minsan ay paghahari ng kriminalidad,” anila.
   
Kasabay nito, nagsimula na din ang mobilisasyon ng MRRD-NECC para isulong ang malaking bahagi ng pagbabago sa bansa at sistemang pulitikal sa pangunguna mismo ni Pangulong Digong.
   
Sa pamamagitan ng malakas na ugnayan ng grupo, LGUs, DOJ Kongreso at mga interesadong sektor ay kolektibo nilang ibabandila ang Pederalismo at lubusang maabot ang pantay na pagbabago at pag-unlad ng buhay ng bawat mamamayan.