6,028 guests

Palubog

  • Written by Nitz Miralles
  • Published in Showbiz
  • Read: 577
Ogie Alcasid Ogie Alcasid

Nakataas na sa Music Museum ang billboard ng Ayaw Kong Tumanda, ang two-night birthday concert ni Ogie Alcasid sa August 26 at 27. Maganda ang concept ng billboard na sinamahan ng old picture ni Ogie noong bata pa siya, swak sa concept ng concert na going back to his roots.

Guests sa Ayaw Kong Tumanda ang mga talent ni Ogie sa kanyang A-Team Talent Agency na sina Lara Maigue, Q-York  Davey Langit, Basti Artadi at Regine Velasquez. Si Ai-Ai delas Alas sa Aug. 27 maggi-guest sa kanyang 49th birthday.

Sa direction ni Floy Quintos at musical director ni Prof. Ryan Cayabyab, dadalhin ni Ogie ang kanyang audience sa panahong nagsisimula siyang gumawa ng pangalan.

Samantala, biniro ng mga reporter si Ogie na mukhang iiwan na naman niya si Janno Gibbs ’pag hindi siya nag-renew ng kontrata niya sa TV5. Sa Aug. 18 na ang expiration ng kontrata ni Ogie at noong makausap siya, hindi pa nito alam kung magri-renew ng contract, kung babalik sa GMA-7 o lilipat sa ABS-CBN.

Makikipag-dialogue raw muna siya kay Mr. Manny V. Pangilinan para malaman kung kailangan pa siya ng network.

“Mahirap ang dinadaanan niya ngayon (MVP), respeto ko sa kanya, kaya kailangang makipag-dialogue ako bago ako magdesisyon. Mahirap sa akin na kung kailan palubog na ang bapor saka ako aalis. Saka, ’di pa namin nagawa sa three years ang gusto naming ma-accomplish,” wika ni Ogie.

* * *

Sa Balesin Island nag-celebrate sina Dingdong Dantes at Marian Rivera ng 32nd birthday ni Marian noong August 12 at kasama nila si Baby Zia. Sa pinost na picture ni Dingdong sa social media, kasama nila ang pamilya ni Dingdong.
   
Ang ganda ng birthday message ni Dingdong kay Marian, “I just love how you age gracefully, baby. We are do lucky to have you in our lives. Happy, happy birthday!”
   
Samantala, nagsimula nang mag-taping si Dingdong ng Alyas Robin  Hood,  ang bago niyang teleserye sa GMA-7 sa direction ni Dominic Zapata. Kasama niya rito sina Jaclyn Jose, Sid Lucero, Anthony Falcon, Andrea Torres, at Megan Young. Nag-training ng archery si Dingdong para sa kanyang role na si Robin Hood na action-drama yata ang tema.

* * *

NagGAgwapuhan ang 10 members ng One Up Band ng GMA Artist Center at plus factor na eye candy sila sa viewers. Ang ibang fans, dedma kung magaling silang kumanta at sumayaw, importante mga gwapo ang nagpe-perform sa harap nila.

Pero para hindi masa-bing puro mukha lang sina Ralf King, Brent Valdez, Yasser Marta, Kevin Sagra, Jay Arcilla, Dave Bornea, Nikki Co, Prince Clemente, Joemarie Nielsen at Arjan Jimenez, may workshop sila ng dancing, singing, acting at lahat ng may kinalaman para mag-improve pa sila as performers.
   
Nakakatulong din na nakakasama sila ng co-Boardwalk endorser nilang si Alden Richards sa mall shows nito at ang marami nilang guestings sa mga show ng GMA-7. May twice a week din silang rehearsal na time rin nila for bonding.
   
Ang ibang members ng One Up ay galing sa Star-Struck 6, may galing sa To The Top, si Ralf ay Pop Star Kid 2 grand winner at semi-finalist sa Asia’s Got Talent at si Yasser ay Spogify finalist. Dream ng One Up na makapag-release sila ng album, maka-pag-concert at maging successful.
   
Sina theatre and concert director Freddie Santos at singer-composer Jeffrey Hidalgo ang mentors ng One Up. May series of shows sila this August in partnership with Boardwalk and for details, follow them on Facebook.com/OneUp2016 and on Insta-gram (IG) at instagram.com/oneup2016.
   
Napansin naming sa One Up Band, marami sa kanila ang crush si Julie Anne San Jose, merong type si Solenn Heussaff, Kylie Padilla, Andrea Torres, Bianca Umali, Max Collins at Jennylyn Mercado.

* * *

Kagabi ginawa ang Gender Reveal Party nina Robin Padilla at Mariel Rodriguez para malaman ang gender ng first baby nila. Isinabay na rin ang birthday celebration ni Mariel na birthday noong August 10 at 6th wedding anniversary nila ni Robin.
   
Pang family at close friends lang ang three-in-one event, pero live sa Facebook, kaya marami rin ang nakapanood. Parang Aprica ang name ng baby girl man o boy dahil sa hashtag ni Mariel na #MarielLovesAprica.

* * *

Features sa cover ng August 2016 issue ng Kapuso magazine ng GMA network ang H1 2016 financial performance ng istasyon. Mababasa sa magasin si Atty. Felipe L. Gozon na cover ng The CEO Magazine.                Mababasa rin sa magasin ang contract signing ni Willie Revillame at WBR Entertainment, contract signing nina Christian Bautista at Lovi Poe. Featured sa Kapuso Abroad ang concert ni Alden Richards sa Singapore at sa Citizen Kapuso highlights GMA Kapuso Foundations “Unang Hakbang sa Kinabukasan” project at ang 2016 GMA Network Excellence Award.