70,120 guests

Pangulong Rody tinutupad ang campaign promise

  • Written by Bebot A, Villar JR.
  • Published in Opinion
  • Read: 164

MATAPOS ilabas ng ating Pangulo ang kanyang listahan ng mga opisyal sa gobyerno na diumano’y sangkot sa iligal na droga, ipinahayag ng Korte Suprema na iimbestigahan nila ang apat na huwes na napasama sa nasabing listahan! Si dating Justice Roberto Abad ay inatasan agad upang imbestigahan ang isyung kinasasangkutan ng mga mahistrado!

Klinaro ng Korte Suprema na sa pitong huwes na nasa listahan, isa dito ay “dismissed” na sa serbisyo, ang isa naman ay retirado na at ang isa ay napatay noong 2008.
   
Gaya ng Korte Suprema, sana umaksyon na rin agad ang Department of the Interior and Local Government at imbestigahan ang mga “local government official” na nasa listahan. Baka pwede nilang hingin ang tulong ng PNP para sa pagsisiyasat, para naman may kalalabasan ang ginawang “expose” ng ating Pangulo?

* * *   

Maituturing na “Unorthodox” o kakaiba ang paglabas ng listahan ng ating Pangulo upang labanan ang problema sa iligal na droga. Pero tandaan po natin na ito ay kanyang plataporma na kanyang inihayag noong panahon ng halalan at isinasakatuparan lamang n’ya ang kanyang ipinangako sa sambayanan!
   
Kagaya po ng isyu sa “freedom of information” o FOI. Dahil kanya itong ipinangako noong panahon ng kampanya ay naglabas agad s’ya ng “executive order” para palaganapin ang FOI sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.
   
Naniwala sa kanya ang labing anim na milyong Pilipino kaya ibinoto natin s’ya dahil nais natin matupad ang kanyang mga ipinangako. Kung tutuusin, ang ating sambayanan din ang makikinabang sa mga programang ipinapatupad ng ating Pangulo kaya huwag na nating haluan ng pulitika ang kanyang ginagawa!

* * *  

Ano itong sinasabi ni Senator Ralph Recto na kailangan natin ng dalawang daang taon para gamutin ang tinatayang 1.3 milyong “drug addicts” daw sa ating bansa? Ayon kay Recto, dahil  mayroong 3,216 lamang daw ang “bed capacity” ng ating mga “treatment and rehabilitation centers” sa ating bansa at anim na buwan mamamalagi ang mga tinatawag n’yang “addicts” dito ay aabutin raw ng dalawang siglo para gamutin silang lahat!
   
With all due respect sa ating Senador, pero mukhang may pagkukulang ang inyong pagsasaliksik sa ating “drug problem!” Ang tinutukoy po ninyo na tinatayang 1.3 milyong tao ay hango sa resulta ng “survey” na ginawa ng Dangerous Drugs Board noong 2012. Hindi po sila lahat “drug addict” kundi sila po ay “current drug users,” na ibig sabihin po ay sa loob ng isang taon bago ginawa ang pagtatanong para sa “survey” ay nakagamit sila ng iligal na droga. Hindi po ibig sabihin na kapag drug user ay “drug addict” na agad!
   
Kaya hindi naman kailangang ipasok sa treatment and rehabilitation center ang lahat ng tinatayang 1.3 milyon na iyan! Karamihan po d’yan ay pwedeng gamutin sa pamamagitan ng outpatient program kung saan ay magre-report sila sa isang rehabilitation center o dalubhasa na “accredited” ng DOH para sa kanilang pagpapagamot, pero hindi nila kailangang pumirme lahat sa mga rehab center sa loob ng anim na buwan!

* * *   

Subalit tama naman ang Senador nang sinabi n’ya na may kakulangan talaga sa “bed capacity” ang ating mga rehab center. Dapat gawing prayoridad ng pamahalaan ang pagpapatayo ng mga rehab center bilang “long term solution,” lalung-lalo na sa mga rehiyon kung saan wala pang naitatayo na rehab centers na pagmamay-ari ng gobyerno.
   
Nararamdaman na natin ngayon ang epekto ng kakulangan ng pasilidad para sa pagpapagamot ng ating mga kababayang “drug dependent” dahil hindi ito binigyang-pansin ng nakaraang administrasyon. Ni sa mga nakaraang SONA ay hindi man lang binigyang-diin, o nabanggit man lang, ang ating suliranin sa iligal na droga!

* * *   

Sisimulan na raw sa Oktubre ngayong taon ang pagbibigay ng mga “driver’s license” ng Land Transportation Office na may bisa sa loob ng limang taon imbes sa kasalukuyang tatlong taon lamang! Sang-ayon ito sa naging pahayag ni Pangulong Duterte na hahabaan ang bisa ng ating mga lisensya at ating mga pasaporte.
   
Malaking tulong ito sa ating mga kababayan, lalung-lalo na sa mga nagmamaneho ng “public utility vehicle” kung saan malaking kawalan din sa kanilang kita ang pag-asikaso ng “renewal” ng kanilang mga lisensya dahil hindi sila makabyahe.
   
Maraming salamat sa ating Pangulo at sa mga opisyal ng Department of Transportation at LTO!