5,437 guests

Film director at produ ng ‘Dagsin’ pinahirapan ng talent managers

  • Written by Leo Bukas
  • Published in Showbiz
  • Read: 532

Aminado ang mag-asawang Atom at Anne Magadia na nahirapan sila sa first venture nila bilang film producer ng pelikulang Dagsin na entry sa 12th Cinemalaya Independent Film Festival happening this August.

Bida sa pelikula sina Tommy Abuel, Marita Zobel, Janine Gutierrez, Benjamin Alves, Alex Diaz at Lotlot de Leon.

Wala raw nagtitiwala sa kanila at pinapahirapan sila ng ibang talent managers sa artistang gusto sana nilang kunin sa pelikula. Si Atom ang director ng Dagsin. Ang wife naman niyang si Anne ang scriptwriter (co-scriptwriter din si Atom) ng pelikula.
   
“Ang tagal pong kumuha ng artista dahil nga bago pa kami, wala pang napapatunayan, kababalik lang ng Pilipinas so parang ‘Sino ’yang mga ’yan, kaya ba nila talagang mag-produce ng pelikula?’ ’Yung mga ganu’ng pagdududa po. It was only through Miss Lotlot de Leon kaya namin nakuha ’yung cast na gusto namin,” pagtatapat sa amin ni Anne.
   
Patuloy pa niya, “Mahirap pong kumuha ng cast kasi po independent, eh. Lalo na kung wala kang kilala and bagung-bago kami, they’re of course very reluctant.”
   
Co-producer daw nila ang nagbigay ng script ng Dagsin kay Lotlot.
   
“Ewan ko kung paano nabigay ’yung script kay Lotlot, pero si Lotlot  po ang unang tumawag sa amin. And she was the one who expresses  na kung puwede siyang ma-cast sa movie. Ganun din po kay Mr. Abuel, siya ’yung nakagusto nu’ng script,” kuwento pa ng director.
   
Dating nagwu-work sa advertising at writer si Anne ng Mega, Lifestyle Asia, ABS-CBN. Ang husband niyang si Atom naman ay photographer. Pareho nilang gustong guma-wa ng pelikula kaya nag-submit sila ng script sa Cine-malaya na pumasa naman.
   
“Ang first love talaga ni Atom has always been film. And after a bit of experience in life, we realized na life is too short to do something that you don’t like, so kailangan mo talagang hawakan ’yung gusto mong gawin, ito nga po ’yon (doing film),” kuwento pa niya.
   
Wala namang ini-expect ang mag-asawang Atom and Anne sa unang pelikulang ginawa at prinodyus nila sa Cinemalaya.
   
“To tell you the truth po walang expectation. Hope, yes! Mahirap kasi ’yung nag-i-expect na parang… masaya na kami ’pag panoorin ng mga tao at nakita nila ’yung gusto sana naming ilabas at ipahiwatig.
   
“Masaya na rin po kami at very proud na napili ’yung script namin ng Cinemalaya. Daan-daan po ang nagsa-submit ng script diyan at nu’ng malaman namin na both Dagsin and Buhay Langaw (isa pa nilang script) got in, sobrang tuwang-tuwa po namin. Pero pinapili lang kami ng isa na gagawing pelikula at pinili po namin ang Dagsin,” masaya niyang pahayag.
   
Samantala, ang Dagsin ang opening film ng Cinemalaya sa pagbubukas ng festival sa Cebu.