5,516 guests

Pinalapad ang highway para sa obstructions

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 162

NAGPAPARAMDAM ang mahal na Pangulong Aquino na parang gusto niyang manatili sa posisyon.

Gusto raw sana niyang maramdaman ang tagumpay ng kanyang mga nagawa tulad ng paparating na mga bagong MRT trains at maging bahagi ng inagurasyon ng NLEX at SLEX connector.

Sabi ng Pangulo, kung payag lang ang Saligang Batas, gusto pa niyang manatiling Chief Executive beyond 2016.
   
Kung ito ay isang senyales na walang magaganap na eleksiyon sa 2016, mukhang dapat kabahan ang publiko at mga kandidato sa pagka-pangulo.

Mabigat ang ganitong mga pahiwatig, lalo na’t may mga naunang banta ng Noel o no-election sanhi ng pagbasura ng Korte Suprema sa no bio, no boto.
   
Mahirap talaga kapag pumasok na sa isip ng mga nagiging lider na marami silang nagawa at kumbinsido sila sa kanilang sarili na sila ay naging magaling na pinuno.
   
Ito ang naging malaking problema ng Aquino administration, ang alam nila ay mabuti at matuwid ang kanilang pamamahala kaya napapanaginipan nilang kumapit sa trono kahit tapos na ang kanilang termino.
   
Kailan kaya sila gigising at aamin sa kanilang mga naging pagkukulang?

* * *   

Mas maganda sana ang magiging laban sa 2016 kung walang matatanggal sa listahan ng mga kumakandidato sa pagka-pangulo.
 
Hindi maganda ang tingin ng publiko sa banta ng disqualification laban kay Senator Grace Poe, lalo na’t dalawang division na sa Comelec ang nagdesisyon.
   
Kahit na hindi pa final ang desisyon laban kay Grace, nagbibigay na rin ito ng matinding pag-aalinlangan sa kanyang mga supporter.
   
Maging ang ugong ng posibleng pagbalewala sa Certificate of Candidacy ni Davao City Mayor Rody Duterte ay tiningnan ng ating mga kababayan bilang malaking banta sa demokrasya ng bansa.
   
Naniniwala tayong mas maganda sana ang labanan kung ang pangalan ng lahat ng kandidato sa pagka-pangulo ay maisasama sa balota para mabigyan ng malawak na pagpipilian ang ating mga kababayan.

* * * 

Kaya lalong nagiging hopeless ang problema sa trapik sa Metro Manila, kahit kasi ganitong Christmas season ay patuloy pa rin ang paghuhukay sa maraming alternate routes.
   
Mukhang natigil na ang paglilinis sa Mabuhay Lanes dahil nagbalikan na naman ang mga obstruction.
   
Ang Quirino Highway sa Novaliches ay kinukulam na naman ng trapik dahil iyong road widening na ginawa sa Sauyo ay ginawa na lang palang tiangge na may permiso pa sa barangay.
   
Ganitong klase ng anarkiya ang dapat malutas sa ating bansa.
   
Pinalapad ang daan para sa road obstructions!
 
Mayor Bistek, kilos-kilos din kapag medyo nahihiya.

* * *

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..

Leave a comment

Make sure you enter all the required information, indicated by an asterisk (*). HTML code is not allowed.