KUNG tutuusin, halos magkakatulad ang kalagayan ng lahat ng bansa sa buong mundo -- Ekonomiya na patuloy na bumabagsak, mga sakunang lubos sa pagkapus-palad, halaga ng gasolina at lahat na ng mga bilihan patuloy-tuloy ang pagtaas, mga taong naghihirap, gumagapang sa kahirapan ng buhay, taong may mga sakit, taong hindi makakain nang matino o makainom ng malinis na tubig, suliranin sa pamilya, sa pag-aaral, sa pag-ibig, sa pagkatao, sa katawan, lahat na!
Sa ngayon halos makikita natin ang napakaraming suliranin sa ating bansa. Maituturing na pangunahing problema ng ating bansa ay ang kahirapan na nararanasan mula pa noon magpasahanggang ngayon.
Maraming mga tao at mga ahensya ng gobyerno at maging mga pribadong sektor ang nagtutulong-tulong para maibsan ang suliraning kahirapan. Ayon sa isang pag-aaral, 13.5% ang mga taong kumikita ng mas mababa o kulang pa para sa kanilang pang araw-araw na gastusin noong 2003 kumpara sa 24.3% noong 1991 na nagpapakita ng progresibong pamamaraan ng ating bansa na labanan ang kahirapan. Gayunpaman, hindi pa rin lubos na nararamdaman ito lalo na sa mga liblib na bayan ng ating bansa na mataas pa rin ang bilang ng mga tao at pamilyang naghihirap.
Ang pagsugpo sa kahirapan ay nagsisimula sa mismong ating mga kamay, huwag sana natin itong iasa sa iba at sa gobyerno, matuto tayong magsikap at magtrabaho hindi lamang para sa ating sarili kundi pati na rin sa ating bansa. Totoo na dapat na paglingkuran at kalingain ng pamahalaan ang mga mamamayan sa lahat ng oras at panahon. Ngunit nararapat ding sikapin ng mga mamamayan na makatulong sa pamahalaan sa abot ng makakaya. Ang paglahok at pakikiisa sa mga programa ng gobyerno laban sa kahirapan ay isa lamang sa mga paraang ating magagawa. Ayon nga sa ating Pangulo, huwag lang makialam kundi makilahok; sa halip na maging reactive, tayo ay dapat maging proactive.
Sa susunod na linggo, nais kong talakayin ang usapin ng Millenium Development Goals o MDG, ang walong itinakdang pangunahing paksain na kailangang makamit na magbibigay daan upang magawan ng paraan at maisaayos ang sobrang gutom at kahirapan sa lahat ng panig ng mundo -- Kung paano ito makakamit; Ano ang mga hakbangin nila upang maisakatuparan ito; Ano ang mga magiging epekto nito sa bawat isa; At sinu-sino ba ang mga taong may kinalaman sa usaping ito. Mula sa 192 United Nations na kasapi ay 23 ang nagkasundo na kailangang makamit ito sa taong 2015, at isa dito ang Pilipinas.