KGG. na Atty. Acosta,
Magandang araw po sa inyo.
May isang motorsiklo po akong kinuha sa isang tindahan noong Hunyo 2009 na may kasamang co-maker. Noong Nobyembre 2009, ibinigay ko po sa aking co-maker ang nasabing motorsiklo at ang usapan ay siya na ang magpapatuloy ng pagbabayad nito. Hindi po niya naituloy ang pagbabayad kaya po ako pa rin ang nagbayad ng hulog nito mula Hulyo hanggang Nobyembre 2009 at Enero hanggang Oktubre 2010. Nagbayad lamang po ang co-maker ko mula Nobyembre 2010 hanggang Disyembre 2010. Ngunit mula ng Enero 2011 hanggang Mayo 2011 ay hindi po ulit siya nakapaghulog.
Ang kinatawan ng nasabing tindahan ay madalas na dumadaan sa aking pinagtatrabahuhan at naniningil. Ano po kaya ang maaaari kong gawin upang ang nasabing motorsiklo na nasa pangangalaga ng aking co-maker, ay maibalik sa tindahang binilhan?
Lubos na gumagalang,
Rico
Dear Rico,
Ayon sa Artikulo 1484 ng ating New Civil Code o Recto Law, ang mga sumusunod ang mga hakbangin o maaaring gawin ng tindahan ng motorsiklo sakaling hindi kayo makabayad ng inyong co-maker:
Art. 1484. In a contract of sale of personal property the price of which is payable in installments, the vendor may exercise any of the following remedies:
(1) Exact fulfillment of the obligation, should the vendee fail to pay;
(2) Cancel the sale, should the vendee’s failure to pay cover two or more installments;
(3) Foreclose the chattel mortgage on the thing sold, if one has been constituted, should the vendee’s failure to pay cover two or more installments. In this case, he shall have no further action against the purchaser to recover any unpaid balance of the price. Any agreement to the contrary shall be void.)
Ang mga nabanggit na hakbang ay alternative. Ibig sabihin nito ay kung sakali at ang pipiliin ng nasabing tindahan ay ang unang paraan, hindi na maaaring gamitin sa inyo ng inyong co-maker ang ikalawa o ikatlong remedyo.
Kung sakaling hindi na ninyo kayang bayaran ng inyong co-maker ang nasabing motorsiklo, mas makabubuti na kayo mismo ng inyong co-maker ang mag-surrender o magsauli ng nasabing motorsiklo. Pakatandaan lamang na may karapatan ang nasabing tindahan na tanggihan ang inyong hakbang na pagsauli at piliin nito ang una o ikalawang remedyo o hakbangin.
Nawa ay malinaw naming nasagot ang inyong mga katanungan. Gayunpaman, binibigyang-linaw namin na ang mga payong nakasaad sa liham na ito ay base lamang sa mga impormasyong nilalaman ng inyong liham. Maaaring may ibang legal na opinyon na mas angkop dito kung ang mga importanteng detalye ay hindi ninyo nabanggit sa inyong liham. Mas makabubuting kayo ay personal na sumangguni sa isang abogado upang mas malinaw ninyong mailahad ang inyong sitwasyon nang sa gayon ay mapayuhan kayo ng mga hakbang na nararapat ninyong gawin.
Ang inyo pong lingkod-bayan,
PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA
Punong Manananggol Pambayan
Paunawa: Ang mga serbisyong legal ng PAO gaya ng “legal advice,” court representation, pagsasagawa ng dokumento, notaryo at iba pa ay libre at walang bayad mula sa kliyente ng PAO sang-ayon sa R.A. 9406 (PAO Law). Sang-ayon din sa nasabing batas, ang katunggali o kalaban sa kaso na matatalo ang magbabayad ng attorney’s fee sa PAO para ideposito sa National Treasury.
Maaaring isumbong kay Chief Acosta ang sinumang public attorney o empleyado ng PAO na manghihingi o tatanggap ng salapi mula sa kliyente ng PAO sa address na ito: 5th Floor, DOJ Agencies Building, NIA Road corner East Avenue, Diliman, Quezon City, 1104.
Makinig sa “Abogado ng Bayan” sa Radyo ng Bayan, DZRB, 738 khz AM band, 6:30 a.m.mula Lunes hanggang Biyernes at sa “Kakampi Mo ang Batas” sa Radyo Inquirer, 990 khz AM, 7 at 8 p.m., tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.
Manood ng “Public Atorni” tuwing Huwebes ng gabi, sa TV5, pagkatapos ng “Aksyon Journalismo.”
Isangguni ang iba pa ninyong usaping legal sa aming opisina sa address na nakasaad sa pitak na ito o kaya ipadala ang inyong katanungan sa aming e-mail address:
This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.
o tumawag sa PAO hotline: 929-9436 anytime.