Absolute community property


KGG. na Chief Acosta,

Mayo ng 2008 po noong napagpasyahan namin ng aking kasintahan na magpakasal. Bago iyon, taong 2006 po noong kami ay naging interesado na bumili ng lupa. Binili po namin ito ngunit sa pangalan lamang ng aking asawa. Ang usapan po namin ay 50-50 ang magiging hatian sa gastos para sa downpayment. Ipinasok po namin sa Pag-IBIG ang natitirang balanse at muli, 50-50 pa rin ang magiging hatian sa pagbabayad.

Pagdating po ng 2010 ay pinatawag po kami ng Pag-IBIG. Doon ko po nakita na bukod sa pangalan lamang ng aking asawa ang nakasulat sa titulo ay single rin po ang kanyang status.

Ngayon na mag-asawa na kami, nais ko po sanang malaman kung may karapatan ako sa nasabing lupa. Maituturing po ba ito na aming conjugal property?

Marami pong salamat.


Lubos na gumagalang,

Jaz



Dear Jaz,

Sa kasamaang palad, hindi naging malinaw sa inyong salaysay kung kayo ng inyong asawa ay nagsagawa ng marriage settlement o pre-nuptial agreement bago kayo ikinasal. Halimbawang kayo ay nagsagawa ng nasabing dokumento, kailangang mapag-aralan ito upang malaman kung ang lupang inyong binili bago kayo ikinasal ay magiging parte ng inyong absolute community  property o hindi.

Halimbawang wala kayong isinagawang marriage settlement o pre-nuptial agreement, ang inyong property relations ay ang tinatawag na absolute community  property. Ito ay sa kadahilanang kayo ay ikinasal matapos naging epektibo ang ating Family Code of the Philippines noong 03 August 1988.

Sa ganitong uri ng property relations, lahat ng pagmamay-ari ng mag-asawa bago at matapos ang kasal maliban sa itinakda ng Artikulo 92 ng Family Code ay parte ng kanilang absolute community. Sa madaling salita, ang pag-mamay-ari ng isa ay pag-mamay-ari na rin ng kanyang asawa.

Malinaw sa Artikulo 92 ng Family Code of the Philippines na hindi parte ng absolute community property ang mga sumusunod na ari-arian: “(1) Property acquired during marriage by gratuitous tile by either spouse, and the fruits as well as the income thereof, if any, unless it is expressly provided by the donor, testator or grantor that they shall form part of the community property; (2) Property for personal and exclusive use of either spouse. However, jewelry shall form part of the community property; and (3) Property acquired before the marriage by either spouse who has legitimate descendants by former marriage, and the fruits as well as the income, if any of such property.”

Halimbawang wala kayong isinagawang marriage settlement o pre-nuptial agreement at hindi pasok sa Artikulo 92 ang inyong sitwasyon, ang lupang inyong binili ay parte ng inyong community property. Bilang lehitimong asawa, kayo ay may karapatan sa lupang inyong binili bagama’t pangalan lamang ng inyong asawa ang nakarehistro sa lupa.

Nawa ay malinaw naming nasagot ang inyong mga katanungan. Gayunpaman, binibigyang-linaw namin na ang mga payong nakasaad sa liham na ito ay base lamang sa mga impormasyong nilalaman ng inyong liham at aming interpretasyon dito. Maaaring may ibang legal na opinyon na mas angkop dito kung may mga importanteng detalye na hindi ninyo nabanggit sa inyong liham. Mas makabubuting kayo ay personal na sumangguni o bumisita sa aming tanggapan upang mas malinaw ninyong mailahad ang inyong sitwasyon nang sa gayon ay mapayuhan kayo ng mga hakbang na nararapat ninyong gawin.

Ang inyo pong lingkod-bayan,


PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA
Punong Manananggol Pambayan


Paunawa: Ang mga serbisyong legal ng PAO gaya ng “legal advice,” court representation, pagsasagawa ng dokumento, notaryo at iba pa ay libre at walang bayad mula sa kliyente ng PAO sang-ayon sa R.A. 9406 (PAO Law). Sang-ayon din sa nasabing batas, ang katunggali o kalaban sa kaso na matatalo ang magbabayad ng attorney’s fee sa PAO para ideposito sa National Treasury.

Maaaring isumbong kay Chief Acosta ang sinumang public attorney o empleyado ng PAO na manghihingi o tatanggap ng salapi mula sa kliyente ng PAO sa address na ito: 5th Floor, DOJ Agencies Building, NIA Road corner East Avenue, Diliman, Quezon City, 1104.

Makinig sa “Abogado ng Bayan” sa Radyo ng Bayan, DZRB, 738 khz AM band, 6:30 a.m.mula Lunes hanggang Biyernes at sa “Kakampi Mo ang Batas” sa Radyo Inquirer, 990 khz AM, 7 and 8 p.m., tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.

Manood ng “Public Atorni”  tuwing Huwebes ng gabi, sa TV5, pagkatapos ng “Aksyon Journalismo.”

Isangguni ang iba pa ninyong usaping legal sa aming opisina sa address na nakasaad sa pitak na ito o kaya ipadala ang inyong katanungan sa aming e-mail address: This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o tumawag sa PAO hotline 9299436 anytime.

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC