Mag-asawa inararo ng truck, patay!


CAMP Alejo Santos, Bulacan -- Binawian ng buhay sa ospital ang mag-asawang lulan ng motorsiklo matapos na araruhin ng isang 10-wheeler truck sa MacArthur Highway sa Bgy. Tabang, Guiguinto, kamakalawa ng gabi.

Sa police report kay Senior Supt. Fernando Mendez, Jr., Bulacan police officer-in-charge, kinilala ang mga biktima na sina Cresiguno Balute, 45, at ang asawa nito na si Myrna Balute, 45, mga residente ng Blk 8, Lot 35, Northville  3, Bgy. Bayugo, Maycauayan City.

Ang mga biktima ay nagtamo ng grabeng pinsala sa iba’t ibang parte  ng katawan sa lakas ng pagkakabangga ng truck (RJM667) na minamaneho ni Arturo Guiang, 55, residente ng Silangan, Canlubang, Laguna.

Sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng mag-asawa ang nasabing kalsada lulan ng kanilang motorsiko pauwi sa kanilang tinitirhan  bandang alas-11:30 ng gabi nang bigla na lang silang sinalpok ng truck habang ito ay nag-o-overtake sa isang sasakyan.

Napag-alaman ng People’s Tonight na kapwa nakasuot ng helmet ang mag-asawa ngunit sa lakas ng pagkakabangga ay natanggal ito at tumilapon dahilan para mapinsala ang kanilang mga ulo. 

Kaagad nadala sa ospital ang mga biktima sa tulong ng Rescue Bulacan subalit  binawian din agad ng buhay.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Guiguinto police ang suspect at inihahanda na ang mga kaso laban sa kaniya.

With Alette delos Reyes & Judee Constantino

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC