DAIG pala ng ilang pulis-Taytay ang mga tamad na Tourist-pulis sa Luneta na tambay sa mga kainan.
Itong isang grupo ng Taytay, Rizal police ay nakatambay sa isang pribadong resort, ang Club Manila East.
Mistulang security guards ang mga pulis na ito na sumasalubong sa mga customer sa gate ng resort at gagala-gala rin doon.
Tapos, makikitang nag-iinuman ang mga unipormadong pulis.
Ngunit sa halip na makatulong sa seguridad ng publiko, lalong dumalas ang mga insidente ng pagnanakaw sa gamit ng mga excursionists doon.
Kamakailan, isang grupo ng kabataan ang ninakawan ng mahigit P100,000 na halagang gamit na naiwan sa nirentahan nilang cottage habang sila ay nagsi-swimming.
Naka-double lock ang pinto ng cottage ngunit na-ransack ang kuwarto at nawala ang cellphones, i-phones, wallets, ATM cards, mga relo, cash, at digital camera.
Nang ireport ng mga biktima ang pagnanakaw, nagpatay-malisya lamang ang mga managers, personnel at mga pulis-Taytay.
Pagdating sa Taytay Police Station, nagngisian lang ang mga bastos na pulis at biniru-biro pa ang mga babaeng biktima.
Kundi pa dumating ang ilang magulang ng mga biktima, hindi pa kukunan ng salaysay ang mga biktima sa Club Manila East robbery.
Ano ba ang ginagawa ng mga pulis-Taytay na ito at sila’y namamalagi sa naturang resort?
Hindi ba nila pananagutan ang seguridad ng mga customers at gamit nila?
Ano ba ang kinalaman nila sa mga nakawan na nangyayari kapag nandun ang mga gunggong na pulis na ito?
* * *
Peligro ang kinakaharap ng milyun-milyong estudyante sa pagbubukas ng school year 2011-2012 sa isang linggo, partikular na sa mga pampublikong paaralan.
Nakaabang ang mga kriminal tulad ng mga holdaper, mangingikil, mga rapists at iba pang uri ng salot sa lipunan.
Nariyan ang mga notorious na drivers ng mga public utility vehicles (hindi naman lahat).
Sana’y bigyang konsiderasyon niyo naman ang kaligtasan ng kabataan sa lansangan.
Seryosohan n’yo namang ipatupad ang batas-trapiko!
Sana’y maghanda na ang Philippine National Police at iba pang ahensiya ng gobyerno pati na ang mga lokal na pamahalaan at barangay.
* * *
Kami po ay nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan.
Inuuga at ginigising namin ang mga tutulug-tulog na awtoridad at nagbibingi-bingihan sa mga problema ng mga maliliit na dapat nilang pagsilbihan.
Huwag mawawalan ng pag-asa!
Idulog po ang inyong problema sa Erwin Tulfo Aksyon Center sa #163-E Mother Ignacia St. near EDSA, South Triangle, Quezon City, between 1 p.m. and 4 p.m., tel. no. 410-7962.