Gising, FDA!


ETO NA naman tayo. Mukhang hindi nababahala ang Food and Drugs Administration sa isyu ng kaligtasan ng pagkain kung ito ay tungkol sa binibili ng mga ordinaryong Pilipino.

Katulad halimbawa ng toyo o soy sauce.

Ilang ulit nang nanawagan ang media kay FDA Director Suzette Lazo na imbestigahan ang napaulat na may sangkap ang mga toyong ginagamit natin na maaaring masama sa kalusugan. Puwede pa nga daw itong magresulta sa cancer ayon sa mga scientists galing sa ibang bansa.

Ang sangkap ay tinatawag na 3-MCPD. Mayroon daw 3-MCPD ang soy sauce o toyo, pati na ang iba pang sawsawang ginagamit dito sa Asia . Sa ibang bansa gaya ng Europe at Australia, nagtakda ang mga gobyerno nila ng limit o hangganan sa 3-MCPD sa mga toyo at sawsawan nila.

Basta huwag daw lalampas sa level na iyon, safe pa ang soy sauce. At iyon ay mahigpit nilang binabantayan.

Wala pa yatang ganuong pag-aaral at pagbabantay na ginagawa si Lazo at ang FDA.

Siyempre, inuuna muna ni Lazo ang mga issue na may kinalaman sa mga sangkap na ginagamit ng mayayaman.

Tulad ngayon, abala si Lazo sa bangayan nila nina Doctora Belo. Inaaway kasi ni Lazo ang mga dermatologists ng mayayaman sa issue ng glutathione.

At una pa dito, ang pinansin ni Lazo ay ang mga pagkain na imported galing ng Japan. Baka daw kasi may radiation. Ang mga ordinaryong Pilipino, hindi din gumagamit ng mga imported na pagkain.

Ang ginagamit natin, toyo na nabibili sa palengke na tinatakal.

Dati, nag-aalala tayo na baka ang toyong tinatakal, hindi malinis. Baka kontaminado. Hindi nga natin alam kung sino ang gumawa. Basta dahil mura, binibili natin.

Ngayon, dobleng alala tayo. Hindi lang baka hindi malinis. Baka mataas pa ang level ng 3-MCPD sa mga ito. Cholera na tayo, baka cancer pa.

Pero, ito ang siste.

Mukhang pati ang mga toyong binibili sa mga supermarket ng mayayaman, kailangan ding imbestigahan ni Lazo. Ang 3-MCPD daw, apektado ang lahat ng toyo. Hindi lang ang tinatakal. Pati na ang mga toyong nasa magagandang bote.

O, ano na FDA?

Tingnan na ninyo!

Baka sa sobrang pakikialam ninyo sa pampaputi ni Doctora Belo ay makalimutan ninyo ang maitim na sawsawan na paborito ng mga Pilipino.

Gising, FDA!

Baka makaabot pa sa Senado o Kongreso ang issue ng 3-MCPD, mahuli pa kayong natutulog sa pansitan. Alalahanin ninyo, maraming Pilipino ang apektado nito. Sigurado, merong halal na opisyal na handang imbestigahan kayo sa isyung ito.

Simple lang naman ang gusto naming malaman.

Alam ba ng FDA ang tungkol sa 3-MCPD sa mga toyo at iba pang sawsawan? Meron bang limit sa 3-MCPD sa mga toyo natin gaya sa ibang bansa? At kung meron, binabantayan ba ito ng FDA?

Ang masaklap, baka hindi ito alam ng FDA.

’Pag ganu’n ang nangyari, mamumuti tayo sa takot. Puputi tayo kahit walang glutathione na pang-mayaman.

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC