Marikina Drug Rehab Center inireklamo


NAKATANGGAP ako ng kopya ng liham para kay Secretary Enrique T. Ona ng Department of Health (DOH) mula sa isa nilang empleyadong doktora na kasalukuyang may kapatid sa Marikina Drug Rehabilitation and Treatment Center. 

Ang pagbibigay sa akin ng kopya nito ay hindi nangangahulugang pagsusumbong o pagrereklamo ngunit bilang chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB) na ahensiyang katuwang ng pamahalaan sa pagsugpo ng problema sa ipinagbabawal na droga.

Sinasabi sa kanyang liham na ang kanyang kapatid sa kasalukuyan ay dumaranas ng hindi makataong pagtrato sa loob ng nasabing rehab center na kung may katotohanan ay hindi dapat mangyari!

Ang doktora ay isang DDB -- accredited physician na ang ibig sabihin ay dumaan sa isang training ng DDB na eksklusibong ibinibigay para sa mga doktor na nais matuto ng tamang pangangalaga sa mga nag-aabuso ng bawal na gamot.

Sa ilalim ng dating Republic Act 6425, ang DDB po ang ahensiyang nangangalaga sa mga rehab centers sa buong bansa ngunit sa pag-amyenda rito at naging Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang gawain pong ito ay nailipat sa DOH.

Kung may katotohanan ang kanyang alegasyon sa kanyang liham, nakalulungkot na pangyayari sapagkat siya mismo bilang doktor at  empleyado ng DOH ay walang magawa sa dinaranas ng kanyang kapatid!

Paano na lamang kung ang pasyente ay isang ordinaryong kapatid ng isang mahirap na pamilya at hindi nakapag-aral at walang trabaho? Walang kakayahang gumawa ng liham at magreklamo sa kinauukulan? Kawawang pasyente!

Ang DOH ang pangunahing ahensiya ng ating pamahalaan na inatasan ng batas upang mangalaga sa kalusugan ng mga mamamayang Pilipino at magbigay ng maayos na serbisyong pang-kalusugan sa buong bansa.

Ngunit bakit ganito ang laman ng kanyang liham? Bakit tila hindi yata sapat ang kaalaman ng nag-papatakbo ng Marikina rehab center? Kasama na ba sa programang pang-rehabilitasyon ngayon ang paghihiwalay ng pasyente sa karamihan kung umano ay may nagawang kamalian?

Isinasama lang daw muli ang kanyang kapatid sa karamihan ng pasyente kung oras na ng pagkain ngunit sa oras ng pagtulog ay sa “guard house” ito pinatutulog?

Tayo po sa DDB ay sumusuporta sa pag-papagamot ng mga nagumon sa bawal na droga upang sila ay tulungang muling makabalik sa normal na pamumuhay kasama ng kanilang pamilya.

Ngunit kung ganito na ang bagong programa sa pag-paparehab lalo na sa Marikina Drug Rehab na ito, makasisiguro tayo na ang pasyente ay walang kagalingan! Bagkus ay tuluyang masisira ang ulo dahil sa hindi makataong pagtrato!

Paano pa tayo makapag-eengganyo ng mga adik na magpa-rehab upang magbagong buhay kung malalaman nilang ganito ang gagawin sa kanila sa loob ng rehab center? Ang ilayo sa mga kasamang pasyente at patulugin sa “guard house”?

Gusto nating malaman mula sa DOH ang katotohanan sa reklamong ito. Sana kung gaano ka-bilis kumalat at pumatay ang dengue ay ganun din kabilis umaksyon ang DOH sa isyung ito.

Hindi po sa tayo ay nagmamagaling ngunit gusto lang po nating matulungan ang pasyente at matapos ang kanyang kalbaryo kung ang problemang ito ay may katotohanan.

***

Muling binubuhay ang panukala na magkaroon tayo ng 4-day work week sa halip na ang kasalukuyang 5-day work week. Kung masusunod, itoý nangangahulugan na apat na araw na lamang sa isang linggo obligadong magtrabaho ang mga manggagawa. Mukhang marami sa ating readers ang natutuwa?

Pati si Labor Sec. Rosalinda Baldoz ay tila kumakatig sa panukalang ito. Makakatipid daw kasi sa pamasahe ang mga empleyado kung apat na ulit lamang sa isang linggo magbi-biyahe patungong opisina.  Bukod dito, mas mahabang panahon daw upang makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay.

Subalit teka muna! Sinubukan na din ng State of Utah sa Estados Unidos ang pagdaraos ng isang 4-day work week. Ito’y ipinatupad ni dating Utah Gov. Jon Huntsman bilang bahagi ng cost-cutting measures ng kanyang administrasyon.

Ngunit bigo ang kanyang hangarin na makamenos sa gastos! Bugbog pa sa trabaho ang mga empleyado dahil ubod ng haba ang oras ng kanilang working hours!

Kaya’t kamakailan ay ibinasura na ng Utah ang 4-day work week at muling ibinalik ang isang 5-day work week schedule.  Matuto sana tayo sa karanasan ng iba sa halip na mag-experimento pa tayo!

Oo, masarap pakinggan na apat na araw na lamang tayo magta-trabaho sa isang linggo. Ngunit hindi ibig sabihin na mas magiging maikli ang oras ng ating pagtatrabaho. Babawiin din po ang oras na iyon sa apat na araw na tayo’y papasok sa opisina!

Batay sa mga pag-aaral, sagad na ang isang manggagawa matapos ang siyam na oras ng pagta-trabaho. Kung pipilitin pa siyang magtrabaho ng mas mahabang panahon ay tiyak babagsak na ang kanyang “productivity.”

Bukod sa babagsak ang kanilang performance, sobrang stress pa ang idudulot nito sa kanila. Ang resulta, masama para sa kompanya at masama rin para sa kalusugan ng empleyado.

Pati po mga employers at mga labor unions ay hindi rin sang-ayon sa panukalang ito. Palagay ko’y sila ang mas nasa posisyon upang ma-unawaan ang tunay na implikasyon ng nasabing panukala.

Maganda po ang intensyon ng mga nagsusulong ng 4-day work week schedule. Subalit hindi lahat ng magandang intensyon ay nagbu-bunga ng magandang resulta. Magsaliksik po muna tayo sa naging karanasan ng ibang mga bansa na sumubok nito.

*****

Kamakailan lang, nawalan na naman ng linya ang aming telepono sa DDB-PDEA Building dahil ang kable ay ninakaw ng mga adik na nakatira sa squatters’ area katabi ng aming opisina!

Nakakahiya! Kami mismo dito na mga ahensya na nagpapatupad ng batas sa paggamit ng ilegal na droga ay nananakawan pa ng kable ng telepono! Sinasadya yata na tuwing may bagyo ninanakaw kaya’t pagkatapos ng bagyo tapos na rin ang linya ng telepono!

Talagang wala ng iniiwasan ang mga adik, kahit ano kakayaning gawin basta para sa droga!  At hindi ito unang beses na nangyari ha! Ano ba ’yan?  Hindi na ito nakatutuwa kung hindi talagang nakahihiya!

Ano kaya ang masasabi ng PDEA dito? Hindi ninyo ba alam na ang mga mag-nanakaw sa squatters’ area ang karaniwang pinanggagalingan ng mga  tulak na suportado ng sindikato?

Humihina na yata ang intelligence ng PDEA ngayon? O sadyang hindi pinag-uukulan ng pansin dahil ang tingin sa isyu ay maliit lamang? Saan ba nanggagaling ang malaki? Hindi ba sa pagiging maliit din!

Pareho rin ang nakawan ng kable sa E. Rodriguez na ini-report sa atin. Tropang bangag din daw ang yumayari ng mga kable ng telepono rito dahil pag ito’y naibenta at naging pera, me pang-droga na!

Puntahan ninyo ang squatters’ area sa tabing-ilog ng E. Rodriguez kung saan nagsasagawa ng pot session ang mga adik doon! Ano ba ang ginagawa ng PDEA ngayon? Hindi n’yo ba talaga kayang umaksyon ng walang “official complaint?”

Hindi nakukuha sa laki ng accomplishment ang silbi ng ating trabaho. Maliit mang problema kung mare-resolba ay malaking tulong na.

(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya  ay mag-email sa This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. )



Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC