SAN Miguel, Bulacan -- Dalawa ang patay at dalawa ang nasa malubhang kalagayan nang magkasalpukan ang isang trak at isang motorsiklo sa Bgy. Bantog, Martes ng madaling araw.
Sa police report kay Senior Supt. Fenando Mendez Jr., kinilala ang namatay na biktima na sina Gilbert Butial, 21, farmer, driver ng motorsiklo, at Bernard del Rosario, 29, ng Bgy. Balite, San Miguel.
Ang dalawang nilalapatan ng lunas sa isang hospital ay kinilala na sina Romelito Sanchez, 21, at Jano del Rosario, 22.
Sa inisyal na ulat, nagkasalpukan ang motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima na wala diumanong plaka at ang Mitsubishi Fuso Forward na minamaneho ni Larry Casquejo, 43, taga-Bgy. Abangan Sur, Marilao, Bulacan, sa Bgy. Bantog.
Matulin diumano ang takbo ng motorsiklo sakay ang apat na biktima nang sumalpok ito sa trak matapos mag-overtake sa isa pang trak.
Sumuko ang driver ng trak sa San Miguel police station.