Natagpuan na ang bangkay ng nawawalang mountaineer apat na araw matapos itong ta-ngayin ng malakas na agos ng tubig nang tumawid ang grupo nito sa ilog sa kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan sa bayan ng Rodriguez.
Sa ulat ni Supt. Rommel Estolano, hepe ng pulisya, kay Senior. Supt. Manuel Cesar Prieto, Rizal police director, ang bangkay ni Adrian Alba, 25, 4th year college student, ng Blk. 61, Lot 12, Fortune, Bgy. Rizal, Makati City, ay natagpuan sa ilalim ng malalaking tipak ng mga bato sa Sitio Wawa, Bgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal.
Dakong alas-8:30 ng umaga noong September 3 nang matangay ng agos ang biktima sa Wawa River sakop ng Sitio Kayropa, Bgy. San Rafael habang tumatawid kasama ang 23 pang mountaineers.
Dakong alas-6 naman ng umaga nang matagpuan ito ng rescue team mula sa Montalban Rescue Team at Philippine Coast Guard limang kilometro ang layo sa kinaanuran nito.
Nabatid pa na ang bangkay ay nasa state of decomposition na nang makita at halos lomobo na ang buong katawan nito.
Ang grupo ay nasa lugar para mapagmasdan ang kagandahan ng makasaysayang Wawa Dam at ang Pamintuan Cave nang maganap ang insidente.
Sa record ng pulisya ang grupo ay nagpaalam sa tanggapan ng Tourism at DENR Office ng Rodriguez para magmasid lamang sa Wawa Dam subalit nagtuloy ang mga ito sa Sitio Kayropa para makita ang Pamintuan Cave.