BAGO ang lahat, isa munang mainit na pagbati sa aming group editor-in-chief ng Journal Group of Publications, na magdiriwang ngayong araw na ito ng kanyang kaarawan. HAPPY BIRTHDAY, Boss Gus. It’s certainly a blessing to have a mentor and a valued friend like you. My family and I wish you the best of everything. Happy Birthday rin kina Ianna Morie, (Aug. 1); Rian Von, (Aug. 4) at siyempre sa kanilang butihing ina na si Anna Lissa (Aug. 6). Ang pagbati ay mula sa kanilang daddy at asawang si Pareng Bobot. Muli, Happy Birthday sa inyong lahat!
***
Kahit anong pagsisikap ni Commissioner Lito Alvarez ay hindi pa rin nakamit ng Bureau of Customs ang kanilang collection target sa unang anim na buwan ng taon.
Hindi natin masisisi si Alvarez dahil sa totoo lang, maraming commodities ang bumababa ang taripa. Ang iba nga ay tuluyan nang naalis ang taripa.
Pero kung susumahin, angat pa rin ang revenue collection ng BOC kumpara sa anim na buwan noong nakaraang taon.
Kahit papaano, dito ipinakita ni Alvarez na talagang kayod-kalabaw ang ginagawa niya para mawala ang ismagling at iba pang katarantaduhan sa aduana.
Ang masakit nga lang ay marami pa ring nangyayaring palusutan sa pier dahil sa pakikipagsabwatan ng ilang tiwaling taga-BOC.
Hindi maiiwasan ang mga ito dahil imposible namang mabantayan lahat ni Alvarez ang mga kalokohan ng mga mandurugas.
Katulad na lang ng kaso ng mahigit na 600 na container vans na dapat papunta sa Port of Batangas dahil ang mga ito’y transhipment.
Hindi nakarating sa Batangas ang mga ito dahil nagawa daw i-swing ng isang Boy V. ang nasabing mga kargamento kaya’t walang binayaran kahit singkong duling sa BOC.
Pero palagay ko, malapit na silang malambat. Ayon sa mga balita, bubusisiin na ng Kongreso sa pangunguna ni opposition Rep. Mitos Magsaysay ang nasabing anomalya.
Sana isama na rin sa congressional inquiry, in aid of legislation, ang kinamumuhiang grupo nina Rico, Aying, Frank, Acuzar, Abuter at Dio at nadagdag pa ang isang Ding.
Malakas kasi ang loob ng grupo nina Rico at Aying dahil kinakaladkad nito ang pangalan ni Executive Secretary Paquito “walang kibo” Ochoa sa kanilang mga iligal na transaksiyon sa BOC.
Kayang-kaya nilang takutin ang mga opisyal at ordinaryong empleyado ng Customs.
May mga balita nga na marami daw pinangakuan itong si Rico na ipapo-promote dahil kayang-kaya niya daw itong gawin dahil sa lakas ng impluwensiya niya sa Malakanyang. Totoo naman kaya?
Itong grupo rin ni Rico at Aying ang sinasabing nagparating ng mahigit na 100 container ng bigas at asukal noong nakaraang Pebrero, pero nang mahuli ay agad din umanong ginawan ng paraan ng mga taga-BOC para mailabas ang nasabing kargamento. Noon namang nakaraang Abril o Mayo ay nahulihan ng 32 container ng ceramic tiles ang grupo nina Rico at Aying pero nagawa pa rin nilang ilabas ang 16 na container kaya’t 16 lang ang na-seize ng BOC.
May mga balita nga tayo na mukhang naluto at nailabas na rin ang 16 na container na nahuli. Totoo ba ito, Atty. Noy Relorcasa?
Ang nangyayari, lumalabas tuloy na parang mga robot ang mga tao ng assessment at mga collector ng BOC dahil hindi sila makatanggi at nagiging sunud-sunuran sa grupo ng mga kawatan na sina Rico at Aying.
Ang ganitong klaseng mga mandaraya ang dapat winawalis agad ng Malakanyang, dahil saliwa ito sa matuwid na landas ni Pangulong Noynoy Aquino.
Kaya sana, kung hindi man kumikibo si ES Ochoa, isama na sa imbestigasyong gagawin ni Rep. Magsaysay ang grupo nitong sina Rico at Aying.
Bukod kasi na mga dorobo, itinuturing ng mga economic saboteur ang grupo nina Rico at Aying.
Ano sa palagay niyo, Sec. Cesar Purisima?
***
MGA REKLAMO AT REAKSIYON
Kaming mga residente ng Intan St., Burol 1, Balagtas, Bulacan, ay ilang taon nang inirereklamo sa Meralco ang nakatagilid na poste sa aming lugar. Sana naman ay maaksyunan na ito, bago pa man magkaroon ng biktima sakaling tuluyan na itong bumagsak -- REY D. ng Bulacan.
CHR, bakit kapag NPA, ASG, MILF ang nakakapatay ng mga sundalo “pipi” kayo? Kapag naman sundalo ang nakakapatay ng kalaban ng estado, maingay kayo! –REY GONZALEZ ng Manila.
Salamat sa text nina NESTOR BULURAN ng Bulacan, NOEL ISIDRO ng Las Piñas, ROLLY CAPISTRANO ng QC, ELY MANDA ng Pasig, CITA BORBE ng Marikina, CECILE MATIAS ng Pampanga, LOY GO ng Binondo at MARICEL PIMENTEL ng San Juan.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0915-9462777/email:vicreyesjr08@yahoo. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)