Mega Data dapat kasuhan

 

SUMASANG-AYON ako sa mga kawani at  mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI)  sa aksyon ni NBI Director Magtanggol Gatdula na imbestigahan at kasuhan ang Mega Data, ang kumpanyang pinagtiwalaan nila sa mahabang panahon na mamahala sa pag-iisyu ng mga NBI clearance.

Kung marami ang nabubuwisit ngayon sa NBI dahil sa pagiging mabagal ang proseso ng pagkuha ng NBI clearance, walang dapat sisihin dito kundi itong kumpanyang ito na basta na lang inabandona ang NBI.

Ayon sa aking mga espiya at mga NBI insiders na nakausap ko at pamilyar sa isyung ito, tinangka pala ng Mega na “i-blackmail” si Dir. Gatdula, upang muling palawigin  o muling i-extend ang kanilang kontrata, “for the third time,” mula Hulyo hanggang Disyembre ng taong kasalukuyan. Kung hindi papayag ang director ay lalayas silang bigla sa NBI.

Na siya namag ginawa ng Mega matapos tumanggi si Director Gatdula sa kanilang nais mangyari. Dulot nito ay bahagyang pagkalito sa mga kumukuha ng NBI clearance.

At dahil sa isang matinong opisyal na si Dir. Gatdula, na hindi “nagpasindak” sa “pananakot” ng Mega, sa pangunguna ng negosyanteng may-ari  na si Rafael M. Garcia, ay ‘smooth sailing’ naman ngayon ang pagkuha ng clearance sa NBI sa kabila ng pag-abandona ng Mega sa NBI noong Hunyo 30,2011, na kung saan nag-expire ang ikatlong ekstensyon ng kontrata.

Ayon pa sa aking mga espiya, lalabag na ang kanilang direktor sa batas sakaling pumayag siya sa paulit-ulit na hirit ng Mega na “extension” ng kanilang kontrata at posibling  kaso sa Ombudsman at kahihiyan ang aabutin ni Dir. Gatdula.

Hindi po pinakinggan ng Mega ang pakiusap ni Dir. Gatdula na huwag iwanan  ang NBI sa “ere” para sa kapakanan ng serbisyo publiko habang ginaganap ang  isang public bidding para sa bagong kontrata, pero binalewala ito ng Mega at sa halip lumayas pa rin.

At iyon umano ang tunay na pangyayari sa likod ng paghihirap na dinadanas ngayon ng ating mga kababayan sa pagkuha ng NBI clearance sa kasalukuyan, ayon pa sa mga kawani ng NBI.

Mabuti na lamang at maayos na napapagsilbihan ng mga taga-NBI sa pangunguna ng hepe ng Security Department nito na si Mario Garcia ang pamamahagi ng mga ‘entry passes’ sa mga ‘early birds’ na nais kumuha ng NBI clearance araw-araw. Mabilis na naa-accomodate ang ang mas marami nating mga kababayan  dahil sa magandang sistema na ipinatutupad ni Garcia sa NBI headquarters.

At ang Mega na ‘partner’ nga ng  NBI sa computerization program nito sa nakaraang 32 taon,  “believe it or not,” ay lampas nang tatlong dekada na “gatasang baka” ng mga ito ang NBI. Iyon ay nagsimula noong 1978. Walang naging kalaban ang Mega dahil pulos “extension” at “negotiated contract” na lang ang nangyari.

Lampas na rin sa kalahating bilyon ang na-siphone o  kinita ng Mega sa NBI mula noon hanggang sa kasalukuyan.

Ayos na rin sana kahit maraming tanong na dapat sagutin dahil nga bumilis naman ang pagkuha ng NBI clearance noon, pero ang mga tanong na ito ang sasagutin ngayon sa isinasagawang imbestigasyon ng NBI hinggil sa naging kontrata at relasyon nila sa Mega.

At isa sa mga pinupunto ng pamunuan ng NBI ay ang nasasaad umano sa kontrata na  ‘technology transfer’ ng Mega pabor sa NBI sa pagtatapos ng kanilang kontrata. Pero lumalabas na hanggang sa kasalukuyan simula ng matapos o mag-expire ang unang kontrata ay tila nalabag ng Mega ang RA 7718 o ‘Build-Operate-Transfer’ (BOT) Law para i-transfer ang teknolohiya.

Nalabag ba ang rekisitos sa public bidding ng mga kontratang gobyerno na nakasaad sa RA 9184 o Government Procurement Act dahil pulos extension at negotiated contract na lang ang nangyari sa pagitan ng Mega at NBI sa napakahabang panahon?

Samantala, may bago nang “partner” ang NBI at hamak daw na “mas matinong kausap” kumpara dito sa Mega.

Ang “last word” ni Dir. Gatdula. Kaunting tiis na lang sa panig ng publiko habang inaayos pa ang bago nilang sistema. Para naman sa Mega? Abangan ang “resbak” ng NBI!

***

Marami palang kumukuha ng pasaporte sa Department of Foreign Affairs (DOA) na ang gamit  ay pekeng NBI clearance at mga identification cards tulad ng pekeng Postal ID, SSS ID at mga birth certificate at marami pang iba na gawang Recto at Bulacan.

***

Happy Birthday pala sa aming bosing at People’s Tonight/People’s  Journal Editor-in-Chief Gus Villanueva, sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan  ngayong araw. Happy Birthday Boss and More Power and May You Have Many More Fruitful Birthdays and Blessings To Come!!!

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC