Vina, ’di feel magpaka-cougar

September 13, 2018

HINDI feel ni Vina Morales na maging cougar.

Sa pocket presscon ng aktres para sa 20th anniversary ng Ystilo Salon, inamin niya sa press na may nagpaparamdam sa kanyang artista na mas bata.

Aniya, panay ang text ng aktor sa kanya, pero panay din naman ang iwas niya.

Apparently, hindi bet ni Vina na mag-boyfriend ng isang “millennial” at lalo hindi na niya type na magkarelasyon ng isa pang taga-show business.

Paliwanag niya, “Kaibigan lang talaga for me. Hangga’t maiiwasan ko, iiwasan ko, lalo na ’pag artista. Kasi, siyempre, dumaan na ako riyan (nagka-boyfriend na taga-showbiz).

“Para sa akin kasi kung gusto ko ng seryoso, tapos younger pa, artista? Siyempre ang daming temptation niyan, eh. Dumaan ako sa ganyang times na during taping days, you’re always together, madi-develop ka, mga ganyan. So, pero mababait naman talaga sila.

“Siguro for me, baka lang type nila ako kasi trip lang nila, you know? So, I’m really careful kaya mas gusto ko ang hindi showbiz. A little bit younger, medyo okay lang sa akin, pero ’yung sobrang malaki ang agwat…” iiling-iling na sabi ng aktres, na bising-busy din sa pamamahala ng iba’t ibang branch ng itinayong Ystilo salon.

Sa loob ng 20 years ng pagiging “salon magnate,” sobra ang pasasalamat ni Vina na sa kabila ng mga nagsulputang kakumpetensya, loyal pa rin ang mga customer nila.

May mahigit na 20 branches na ang Ystilo sa buong bansa. Matatagpuan ang mga ito sa Mall of Asia; Shoppesville Greenhills; SM City San Lazaro; Festival Mall; Nepo Mall Dagupan City; Tanauan City, Batangas; SM City Tarlac; SM City Calamba; Robinson’s Place; Lipa City; Abreeza Mall Davao; Iba, Zambales; Angeles Pampanga; SM City Sta. Rosa; Limketkai sa Cagayan de Oro City; One Magnolia Place sa Balanga, Bataan; SM City GenSan; Waltermart sa San Fernando, Pampanga; Citymall sa Koronadal; One Legazpi Place sa Tuguegarao; Island Citymall sa Bohol; Manaoag Pangasinan; at soon to open ang Ystilo Salon sa Sta. Lucia sa Cainta at Marquee Mall Dagupan.

Hindi naman solo ng aktres ang nasabing negosyo dahil kasosyo niya rito ang mga kapatid na sina Sheila, Sheryl at Shaina Magdayao.

“Karamihan franchise at most of our franchisee, may dalawa (branches) sila, may dalang tao (staff) at mag-o-open kami soon. Kapag may opening, talagang pinupuntahan ko, nag-iikot ako,” kwento niya.

Monday, Wednesday at Friday daw ang taping niya para sa ABS-CBN soap na Araw-Gabi, kaya nakakapag-ikot siya sa Ystilo branches tuwing Martes, Huwebes at Sabado.

“Sila (sabay turo sa staff), matatagal na. Ako naman, siyempre, ako ’yung front. Ako ’yung sa marketing, so it really helps a lot, lalo na si Shaina, nandiyan din. Pero mas hands on sina Ate Sheila kasi sila talaga ’yung behind all of these,” paliwanag niya.

Fifty-fifty daw ang share nina Vina at Sheila, habang franchisee naman sina Shaina at Sheryl.

“She (Sheila) makes sure na lahat ng staff, sila talaga ’yung nakatingin sa lahat, kasi ako, hindi ko kakayanin. That’s why thankful kami kasi matatagal na rin sila (buong staff) sa amin and they’re really giving their best and it’s a team work, hindi mo kakayanin talagang mag-isa,” pahayag niya.

Patok ang Ystilo sa mga customer dahil sa mga serbisyo gaya ng hair coloring at hair straightening. Tuwing anibersaryo, nagbibigay sila ng malaking diskuwento sa iba’t ibang serbisyo: Hair coloring at rebond 30% (standard and premium services, Sept. 8-Oct. 30); hair color & rebond standard services 50% (Sept. 18, 19, at 20); at hair treatment 20% (Sept. 8-Nov. 30).

Tagged Under