Tinanghal na Queen of Wemsap, nag-uwi ng kalahating milyon

October 13, 2018

FIVE male candidates ng Wemsap (Web Marketers Specialist Association of the Philippines) ang naglaban-laban para sa kauna-unahang Queen of Wemsap na ginanap last Wednesday, Oct. 10, sa Aliw Theater.

Aliw ang pageant dahil first time yata kaming nakakita ng isang beauty pageant na straight men ang mga candidate na nagpapanggap na babae.

Kuntodo naka-gown at naka-make-up talaga sila na akala mo’y sumasali sa isang national beauty pageant.

Tulad din ng Miss Universe, may kanya-kanya ring bansang ni-represent ang mga candidate na siyempre ay kiyeme lang.

Spearheaded by the country head and founder Wilbert Tolentino, layunin ng Queen of Wemsap pageant na magbigay ng impormasyon about Wemsap at mag-reach out sa target workforce.

“Wemsap aims to continute to provide jobs to thousands of mostly out-of-school youth and the unemployed,” pahayag ni Tolentino, na bukod sa kanyang negosyo ay nasa mundo rin ng pageantry dahil naging Mr. Gay World Philippine siya in 2009.

Sa nasabing pageant ay limang titulo ang pinaglabanan ng mga kandidato -- Queen of Wemsap Supranational 2018, Queen of Wemsap Earth, Queen of Wemsap International at Queen of Wemsap World 2018.

Si Miss Uruguay ang hinirang na Ms. Supranational at nag-uwi ng P25,000, ang Ms. Earth naman ay si Miss Thailand, who won P50,000, Miss International si Ms. Puerto Rico with P100,000, Miss World si Miss Mexico with P200,000 at ang grand prize winner na nag-uwi ng kalahating milyon, P500,000, ang Queen of Wemsap Universe 2018 ay napanalunan ni Ms. South Africa.