Sumegunda

November 06, 2018
Vice Ganda & Imee Marcos

Vice, inabswelto ni Imee.

SINANG-AYUNAN ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos ang naging tugon ni Vice Ganda na hindi niya iniendorso ang kandidatura ng una bilang senador.

Nagkataon lang daw na nagkasabay sila sa airport sa Ozamiz City kaya kumalat at naging viral ang picture nila na magkasunod.

“Naku tama si Vice. Hindi ko endorser si Vice Ganda. Ang totoo, fan niya ako. Kinunan kami ng picture. Alangan namang hindi ka babati. Walang endorse-endorse. Pareho nga kaming inaantok sa kaagahan, hahaha!” deklara ni Gov. Imee nang makausap ng press bago ang kanyang birthday next week, Nov. 12.

Ayon pa sa senatoriable, guest siya ni Congressman Henry Oaminal sa state of the district address nito.

Galing naman sa isang show si Vice at iisa ang sinakyan nilang eroplano.

Reaksyon ng Unkabogable Star sa bumatikos sa kanya, “Nagpunta ako sa Ozamiz para mag-aliw ng mga tao. Hindi para mag-endorso ng kahit na sinong politiko. Hindi ako endorser ng mga Marcos.”

Eh, payag ba siya kung gusto ni Vice na maging endorser niya?

“Bakit naman hindi? Ako pa ba na malapit sa gaya niya, hahaha!” tugon ng gobernadora.

Natanong din si Gov. Imee sa reaksyon niya na hiwalay na raw ang pinsan niyang si Alfred Romualdez sa asawa nitong si Mayor Cristina Gonzales?

“Ay, ‘yung sa Tacloban? Oo nga. Narinig ko rin. Pero wala akong alam!” diin ng senatoriable.

Teka bakit natagalan bago siya tumakbo bilang senadora?

“Kasi, baka antukin ako doon, hahaha! Puro daldalan dahil sa investigations. Pero heto, nahilingan at ang isa kong aayusin diyan ay ang MTRCB at isang governing body na magsasaayos sa movie industry,” saad niya.

Ano naman ang masasabi niya na siya raw talaga ang producer ng mga pelikulang ipinalabas noong panahon ng Marcos regime gaya ng Oro, Plata, Mata, Himala at iba pa?

“Political season ngayon kaya may lumalabas na ganyang intriga,” katwiran ni Gov. Imee.