Ricci, mala-Daniel Padilla kung tilian ng fans

October 29, 2018
Ricci Rivero

Talaga palang sikat na sikat na ang UAAP (University Athletic Association of the Philippines) basketball at star player ng UP Fighting Maroons na si Ricci Rivero lalo na sa mga kabataan. Nasaksihan namin mismo kung paano siya pagkaguluhan ng mga tao sa Halloween Costume Contest ng pelikulang OTLUM na ginanap last Sunday sa Sta. Lucia East Mall.

May sarili na pala talaga siyang hukbo ng mga fans sa mundo na kanyang ginagalawan. Sumugod talaga ang mga ito sa mall at matiyaga siyang hinintay hanggang sa paglabas. Mala-Daniel Padilla nga ang lebel niya kung pagkakagulo ng fans ang pagbabasehan.

Kaya naman napaka-suwerte ni Joven Tan (di-rektor ng OTLUM) dahil siya mismo ang nakaisip na kunin si Ricci para sa nasabing horror film. May dala nga yatang suwerte ang tinaguriang heartthrob ng basketball court dahil napili ang pelikula bilang isa sa official entries ng Metro Manila Film Festival 2018.

Sa mall show ay nakatsikahan namin sandali si Ricci and asked kung bakit siya nag-decide na pasukin ang pag-arte. Ayon sa 21-year-old amateur player, this is something new to him at gusto niyang mag-explore rin.

“Gusto ko talagang mag-explore ng iba’t ibang bagay,” he said.

Ano ang masasabi niya na first movie niya pa lang, pang-MMFF na agad?

“Siyempre, sobrang thankful kasi hindi naman talaga namin in-expect. Actually, siyempre, nag-pray din, pero sabi ko, kung ano ‘yung makakabuti sa amin at sa nakakarami, ’yun na lang ang mangyari,” sey ni Ricci.

Makakalaban ng OTLUM ang malalaking pelikula sa MMFF tulad ng entry ni Vice Ganda at nina Coco Martin-Vic Sotto-Maine Mendoza. Ano ang laban ng movie nila?

“Dahil nga barkada talaga ’yung story, du’n talaga umiikot ’yung story niya, feeling ko du’n talaga makaka-relate ’yung mga millenials ngayon kasi nga maraming nasa age ngayon ang nasa social media, parang gusto nila, mag-explore nga ng iba’t ibang bagay, so makaka-relate sila.”

Hindi pa niya masabi kung tuluy-tuloy na ang pag-aartista niya but if ever na magkakaroon pa siya ulit ng opportunity, gusto niyang makatrabaho sina Kathryn Bernardo and Daniel Padilla dahil big fan daw siya ng KathNiel loveteam.

“Lahat yata ng pelikula nila, napanood ko, so du’n ako sa idol ko talaga.”

Gusto niyang makapareha si Kathryn?

“Ah kahit hindi na si Kathryn, basta nandodoon silang dalawa sa movie, kahit extra lang. Kahit barkada lang (ang role),” natatawa niyang sabi.

At para sa mga girls na gustong malaman ang status ng love life ni Ricci, he’s single raw at walang girlfriend ngayon.

Samantala, kasama rin sa OTLUM sina Jerome Ponce,  Kiray Cellis, John Estrada, Danzel Fernandez at marami pang iba.