Regine, ipinagtanggol ni Janno sa bashers!

October 21, 2018
Janno Gibbs

Ipinagtanggol ni Janno Gibbs si Regine Velasquez sa mga nangba-bash sa Asia’s Songbird dahil sa pag-alis sa GMA-7 at pagbabalik naman sa ABS-CBN.

“Siyempre, maraming mga loyal sa GMA na feeling nila, ‘bakit naman iniwan ni Regine ang GMA-7?’ Ako, feeling ko, perfect ‘yung timing nga-yon, kasi nandu’n ‘yung asawa na niya, eh, ’di ba? Andun na si Ogie (Alcasid), so perfect timing lang ’yung timing,” sabi ni Janno nang makatsikahan namin sa Viva office matapos ang contract signing niya sa Viva Artists Management (VAA).

Looking forward ang singer na makatrabaho ulit si Regine sa ABS-CBN dahil as we all know ay lumalabas-labas na rin si Janno sa Kapamilya network at isa na nga rito ay nang mag-guest siya sa FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin.

“Happy ako na pwede pa rin kaming magkatrabaho,” sey ni Janno.

Dati silang magkakasama sa SOP ni Regine and Ogie at pati na rin si Jaya na nasa ABS-CBN na rin kaya ani Janno, nabuo na ulit sila sa Kapamilya network.

Samantala, pumirma ng 2-year management contract si Janno sa VAA at aniya, maayos naman silang naghiwalay ng dati niyang manager na si Perry Lansigan of PPL.

Pumirma na rin siya sa Star Music at umalis na sa GMA Records na matagal din niyang naging label. Pero sa TV, freelancer pa rin daw siya at pwede siyang maglipat-lipat sa mga networks. In fact, bago raw siya nag-guest sa FPJAP ay napanood pa siya sa Meant To Be ng GMA-7.

“Sa point ng career ko ngayon, hindi na rin ako bata, saka medyo matagal din akong nagrelax-relax. Parang ’yung paglipat ng management, pag-sign sa Star Music, parang ang term ko nga is to shake things up para kailangan ko ring gisingin ang sarili ko na... i-challenge ’yung sarili ko kasi matagal din akong nag-relax kumbaga, nagpa-chill-chill sa career,” ang paliwanag ni Janno kung bakit siya lumipat ng management at ng recording label.

Sa ngayon ay out na ang first single ni Janno under Star Music, ang Feeling JKL na siya rin ang sumulat. Next year daw ang full album dahil kinukumpleto pa niya ang mga songs.