Pera ni Ken, inuubos sa ama

October 24, 2018
Ken Chan

Willing si Ken Chan na gawin ang lahat para lang gumaling ang amang na-diagnose ng cancer of the esophagus at nasa stage 2.

“Nagki-chemo na po si Papa ngayon,” pagbabahagi ni Ken nang makausap namin sa pocket presscon nila ni Arra San Agustin para sa My Special Tatay last Tuesday.

“Sa loob ng six months, 12 sessions po siya, so, twice a month po siya nagki-chemo. He’s getting better naman, kaya lang, siyempre, kidney transplant ’yung tatay ko, eh. So kailangan din naming i-monitor ’yung kidney niya.

“Mahirap, mahirap talaga. Hindi mo na iindahin ’yung pera, eh. Basta lahat ibibigay mo, kung ano ang sinasahod ko, ibibigay ko sa tatay ko, eh. Basta gumaling lang. Wala na akong pakialam sa pera, eh. Basta gumaling lang ’yung tatay ko. ’Yun ’yung mindset ko ngayon, eh,” pahayag ng Kapuso actor.

Pero natutuwa naman daw siya dahil alam niyang masaya ang tatay niya sa magandang nangyayari sa career niya.

Lagi raw itong nanonood ng My Special Tatay, ang ongoing drama series niya sa GMA-7.

Timing nga rin kasi na may “tatay” ang titulo ng serye kaya noon pa ay talagang sinabi na ni Ken na alay niya ang seryeng ito sa kanyang ama.

Si Ken ang breadwinner sa kanila, kaya halos lahat ng kinikita niya ay napupunta sa pamilya niya.

“Hinahati-hati ko ’yung gastos sa bahay at hospitalization ni tatay,” aniya.

As for himself, okay lang daw kahit wala na siyang mabili para sa sarili niya dahil wala rin naman daw siyang luho.

“Hindi ako ma-gadget. Basta may phone, kahit simpleng phone, okay lang. Hindi po ako maluho sa sarili ko. Wala talaga. So, masaya ako na nakakatulong ako sa family ko,” he said.

Hanga kami sa pagiging mabait na anak ni Ken kaya naman siguro isa rin ito sa mga dahilan kung bakit binibiyayaan siya ni Lord.

Tulad nga ngayon, ang ganda ng feedback sa My Special Tatay at mataas ang ratings na nakukuha nito kaya naman masayang-masaya ang aktor.