Papeles ng hiwalayan, inaayos na -- Harlene

October 16, 2018
Harlene Bautista

MATAPOS maglabas ng joint statement na na-outgrow nila ni Romnick Sarmenta ang isa’t isa sa loob ng kanilang 19-year marriage, inamin ni Harlene Bautista na sinisimulan nang ayusin ang mga dapat ayusin sa hiwalayan.

Sa isang chance interview sa family-owned Salu Restaurant matapos suportahan ang kapatid na si Konsehal Hero Bautista na nag-file ng Certificate of Candidacy nu’ng Lunes ng hapon, sinabi ni Harlene na pareho na silang masaya ni Romnick at mas mabuti silang magkaibigan. 

Nu’ng una, ayaw sanang magsalita ng dating aktres, pero dahil sa pag-uusisa ng press, inamin niya na sa tamang panahon, willing siyang magmahal muli.

Gusto pa rin daw niyang magkaroon ng katuwang sa buhay at aware si Romnick dito bago pa sila naghiwalay.

Maging ang aktor, may blessing ni Harlene na muling umibig kung saka-sakali.

Sa ngayon, relieved ang pakiramdam ni Harlene na naipaalam na nila sa lahat ang totoong estado ng kanilang pagsasama.

Dagdag niya, “At least alam na ng lahat. kasi nakakaano na rin, eh, like dito, sa customers, ‘o asan si...?,’ sa showbiz, mga katrabaho mo, ‘o asan si ano, ba’t ’di mo kasama?’”

Paulit-ulit niyang sinabi na hindi masamang tao si Romnick. Marami raw silang magandang pinagsamahan at sinubukan din naman nilang i-save ang relasyon.

Napakabait daw na asawa at ama ni Romnick, “it’s just that, hindi na nga kami... mas okey na kaming ganito.”

Hindi raw madali ang pinagdadaanan nila, pag-amin pa niya, lalo na nga’t matapos umiyak at mahiwalay, may dadaanan na naman silang ibang proseso na nakakapagod.

Kaya lang, kailangan nilang daanan iyon, gaya na nga lang ng pagpa-file for annulment, separation of properties, atbp.

At the end of the day, kahit mahirap, happy pa rin daw si Harlene. Masaya rin daw siya para kay Romnick dahil nakikita niya na happy na rin ito.

Hirit ng press, wala talagang third party? 

Diin ni Harlene, “Wala... wala, wala,” sabay biro, “fourth party siguro, hahaha!”