Oscar nominee Timothee Chalamet kalaban ni Allen sa 66th San Sebastian Filmfest

September 16, 2018
Allen Dizon

Pasok sa Official Selection ng 66th San Sebastian Film Festival (Festival de San Sebastian) ang pelikulang Alpha: The Right to Kill ni Direk Brillante Mendoza.

Bukod sa ‘in competition’ ang pelikulang pinagbi-bidahan ng Urian winner na si Allen Dizon, may distributor na rin ito sa international market, ang Memento Films International, kaya may assurance nang mapapanood ito sa ibang bansa.

Makikipagbakbakan ang Alpha: The Right to Kill sa ilang mabibigat at big-budgeted films na kasali rin sa naturang A-List film festival sa Spain katulad ng Beautiful Boy (2018) ni Felix Van Groeningen na pinag-bibidahan ng Oscar nominee na si Timothée Chalamet, at ang movie ni Peter Strictland na In Fabric (horror, 2018).

Ang Alpha: The Right to Kill ay tungkol sa war on drugs, na ang kuwento ay tungkol sa buhay ng pulis informant na si Elijah (Filamor, his biggest movie break) at ang corrupt police officer na si Espino (played by Allen).

Ayon sa award-winning actor, nahirapan diumano siya playing the role of the corrupt cop dahil hindi naman siya corrupt sa totoong buhay.

“Kailangan maging believable ang aking pagganap. Kung ano ang totoong damdamin ni Espino, dapat makita ’yun ng audience. Hindi lang ito dapat makita kundi maramdaman din. Dapat natural ang dating ng acting ko. May freedom naman kami to do what we want sa character pero dapat natural ang acting, hindi pilit,” eksplinasyon ni Allen.

“Dapat ipakita ko na sanay na sanay ako sa ginagawa ko. So kung kailangan kong pumatay sa eksena, dapat walang alinlangan ’yun. Dapat parang second skin ko na ang pagpatay. Walang remorse. Kumbaga, trabaho lang, walang personalan,” dagdag ng aktor.

Nakatakdang lumipad ang grupo nina Allen at Direk Brillante patungong Spain sa September 17 in time for the red carpet opening ceremonies scheduled on September 21 at Victoria Eugenia Theatre.