Nora, naiinggit sa mga kumakanta

October 14, 2018
Nora Aunor

Miss na miss na ng fans ang golden voice ni Nora Aunor at aminado ang Superstar na talagang ikinalulungkot niya rin na hanggang ngayon ay hindi pa talaga siya makakaawit.

Ayon kay Ate Guy nang makatsikahan namin sa set visit ng Onanay, maging siya ay miss na miss na  ang pag-awit.

“Apektado ako talaga lalo na pag may naririnig akong kumakanta na magagaling. Minsan, iniisip ko, sana nakakakanta na ako.

“Hindi ko pwedeng makalimutan ang pag-awit dahil diyan ako nakilala ng mga tao. Kaya hangga’t maaari talaga, may awa ang Diyos, gusto ko talagang maibalik ang boses ko,” pahayag ni Ate Guy.

Matatandaang nasira ang boses ng Superstar sa isang cosmetic surgery na isinagawa sa kanya ilang taon na ang nakalilipas. Maraming beses na niya itong ipina-check up at ang findings ay kailangan niya talaga itong ipaopera.

Pero nade-delay nga parati ang kanyang operasyon lalo na kapag may ginagawa siyang project.

“Katulad ngayon, gustuhin ko man, paano ako makakaalis? Ang operasyon, sandali lang ‘yun, pero ‘yung recovery at saka magpapa-therapy ka pa, eh. Sa New York pa ‘yun, baka abutin pa ng ilang buwan ‘yun,” saad pa ng Superstar.

Positibo si ate Guy na babalik pa rin ang boses niya lalo pa nga’t sinabi ng kanyang doktor sa Boston na hindi naman talaga naapektuhan ang kanyang vocal chords.

“Mayroon lang tinamaan na medyo malalim nang kaunti na ‘yun ang ooperahan,” aniya,

Sobrang gustong gusto na raw niyang makabalik sa pagkanta at aminado siyang malaki rin ang nawawala sa kanya in terms of karaketan.

“Oo Diyos ko, ang laki rin ng nawawala sa akin. At saka hindi lang ’yun, eh. ’Yung mga tao, talagang naghihintay para makakanta ako. Pag naayos ang boses ko, pwede akong mag-concert kahit saang probinsiya, hindi lang dito, pati sa States, mabibigyan natin ng ano ’yung mga tao talaga, sa pamamagitan ng pag-awit,” aniya.

Sana nga raw soon ay makapagpaopera na siya, hopefully next year.

“Sana, sana,” aniya.

Samantala, ayon kay ate Guy ay nage-enjoy siya sa taping ng Onanay dahil magagaan daw katrabaho ang lahat ng co-stars niya.

Tuwang-tuwa siya sa bidang si Jo Berry at parang anak na nga raw ang turing niya rito.

“Yung anak ko na ’yun, naku bilib ako. Sa memorya, bilib ako, mabait na bata, malambing, ewan ko ba du’n kung bakit napalapit nang husto ang puso ko sa batang ’yun. Parang anak ko na, eh,” saad pa ng Superstar.