6,853

Nasuka! Anne, 57 times nagpalipat-lipat ng bubong sa ulanan

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 275

Ang dami palang hirap na pinagdaanan si Anne Curtis habang ginagawa ang pelikulang Buy Bust na two years in the making at aminado ang aktres na ito na ang pinakamahirap na movie na nagawa niya sa buong career niya.

Sa grand presscon ng movie last Tuesday night, naikuwento ni Anne ang ilan sa mga hirap na dinanas tulad na lang ng minsang pagsusuka sa shooting.

Patapos na raw ang shooting, pero ’yun daw ang pinakamadugong eksena at three minutes ang haba.

Ang eksena, mula sa baba ay aakyat siya sa bubong kung saan ay may fight scene siya at lalabanan niya ang 50 katao/talents.

“I had to learn parkour so I was jumping from roof to roof. Bababa ako, makikipaglaban ako, aakyat ako ulit. So when you’re doing that 57 times, tingnan ko kung ’di kayo masuka.

“Mahihilo ka, mapapagod ka, ’pag umiinom ka, parang hindi na siya bumababa, gumaganu’n (bumabalik) na siya kaagad.”

Bukod pa rito, umuulan pa raw ang scene.

Bakit 57 times nilang ginawa ang eksena?

“Because it’s one continuous shot. So, ’yung camera mula sa baba, pinapasa lang sa isa pang camera sa taas. So, kunwari, madulas ang cameraman, uulit na naman kami from the beginning.”

Isang tuhog daw talaga ang scene at hindi pwedeng cut to cut.

“So, kunwari, patapos na, patapos ka na, may isang suntok na hindi halata, uulit ’yun from the start. So, ano ’yun ha, over three days syinut,” kwento ni Anne.

Bukod pa rito, napakahirap din daw ’yung sa loob ng two years, she was juggling her schedule between It’s Showtime and shooting the movie.

Papasok daw siya ng 10:30 a.m. sa show at matatapos ng 3:30 p.m. Ang call time naman niya sa shooting ay 4 p.m. to 6 a.m. the next day.

“Isasabay ko pa ’yung workout ko kasi I have to stay fit, ’di ba? So, it was talagang a tough two years,” she said.

Actually, sabi nga ng direktor na si Erik Matti, hindi lang si Anne ang nahirapan sa movie, kundi lahat ng cast na kinabibilangan nina Brandon Vera (ONE heavyweight champion), Victor Neri, Arjo Atayde, AJ Muhlach, Joross Gamboa at Noni Buencamino.

Ayon sa magaling na direktor, ito na ang masasabi niyang best movie na nagawa niya.

“I think, on my own, it’s the best movie I made, I may not be the one to say that, ’di ba? Dapat, kayo siguro ang makapag-judge kung pinakamaganda ko itong ginawa.

“Pero sinasabi kong it’s the best movie I made kasi makikita n’yo ’yung trabaho sa pelikula. Makikita n’yo kung bakit siya inabot ng dalawang taon. Makikita n’yo kung anong hirap nila. You’ll see all of it.

“Hindi siya ’yung ‘parang OA naman ang pagka-explain nila du’n, hindi naman ganito kapagod ’yung itsura ng pelikula.’ You’re gonna see how difficult it is,” sabi ni Direk Erik.

Kaya naman sobrang excited na talaga sila na finally ay maipalalabas na ito at makikita na ng mga Pilipino ang pinaghirapan nilang lahat.

Bukod kasi sa local cinemas, ipapalabas din ang movie sa iba’t ibang bansa tulad ng US (August 10), Middle East, Hong Kong at Singapore.

Magkakaroon din ang Buy Bust ng world premiere sa July 15 dahil napili itong maging closing film sa New York Asian Film Festival na dadaluhan nina Anne, Brandon, Direk Erik at Dondon Monteverde.

Sa July 18 naman, magkakaroon ito ng Canadian premiere sa Fantasia Festival at Asian premiere sa Buncheon International Film Festival sa South Korea.

Saa July 19, pormal namang ilu-launch ang Buy Bust sa 21st Annual Supehero Kung Fu Extravaganza San Diego Comic Con.

Hatid ng Viva Films at Reality Entertainment, Buy Bust opens on August 1 in cinemas nationwide.