Nash, inaming GF si Mika

October 26, 2018
Nash Aguas
Nash Aguas

OCTOBER 20 nang sagutin ni Mika dela Cruz si Nash Aguas kaya araw pa lang ang binibilang ng kanilang relasyon. Pero nakakatuwa na very vocal ang young actor tungkol dito at sey nga niya, hindi niya magets ang ibang artista na hindi masabi na may karelasyon sila.

“Masaya, iba ’yung feeling pala kapag may nasasabi ka na ‘oy, girlfriend ko ’to!’ Kasi ’yon ’yung ’di ko gets sa mga tao ngayon, na parang ayaw nila na mag-commit ba na may girlfriend ka.

“Kumbaga, responsibility mo ’yun. Hindi pwedeng sabihin n’yo na MU (mutual understanding) lang kayo, kasi parang takot ka mag-commit, gusto mo ng open relationship, kumbaga,” pahayag ni Nash nang makausap namin sa presscon ng horror-thriller film na Class of 2018 kung saan ay isa siya sa bida.

One year daw niyang niligawan si Mika pero mga bata pa lang sila at magkasama pa sa Goin’ Bulilit ay crush na crush na niya ito. Kaso raw ay lagi siyang sinusingitan nito noong time na ’yun dahil natatakot sa ateng si Angelika dela Cruz.

“Noong bata ako, crush na crush ko siya talaga to the point na binubuhat ko ’yung bag niya, ’yung mga ganu’n. Talagang nagpaparamdam ako na, ‘hindi kita gustong maging kaibigan, gusto kitang maging girlfriend,’ parang ganu’n. Pero bata.

“Siya, sobrang takot niya sa ate niya, sobrang tinatarayan niya ako, sobrang maldita niya sa akin talaga, like pinapahirapan niya ako, hindi niya ako pinapansin.

“So, dumating ’yung point na napagod ako,” kwento ni Nash.

Nawalan na sila ng communication lalo pa nga’t napunta na si Mika sa GMA-7 at nagkita silang muli sa reunion ng Goin’ Bulilit last year.

Naging very touching nga ang pagsagot ni Mika kay Nash dahil binigyan pa ng 15 pages na love letter ng dalaga ang young actor.

Kwento ni Nash, nakalagay daw sa 15-page love letter ang mga dahilan ni Mika kung bakit siya tinatarayan noon at kung bakit ganu’n ang treatment sa kanya.

Pag-amin ni Nash, napaiyak siya nang mabasa niya ang sulat.

“’Yung iyak ko po nu’n, parang pang-TV Patrol, eh. ’Yung talagang ngawa,” he said.

Inamin din ng young actor na naging MU (mutual understanding) sila ng dati niyang ka-loveteam na si Alexa Ilacad pero hindi raw nag-work-out ang kanilang relasyon sa maraming kadahilanan. Ilang beses daw niyang sinubukang ayusin ang relasyon nila pero talagang hanggang doon na lang daw sila siguro.

Pero nilinaw ni Nash na hindi si Mika ang dahilan ng break-up nila ni Alexa. Aniya, nang magkita raw silang muli ng young actress sa reunion ng Goin’ Bulilit ay two months na raw silang break ng dating ka-loveteam.

Samantala, sa horror-thriller film na Class of 2018 ay susubukan naman ang tambalang Nash at Sharlene. First time nilang magkatambal pero nakakagulat na may mga supporters na sila at ang tawag nga sa team-up nila ay NashLene.

Mula sa T-Rex Entertainment Productions, kasama rin ng NashLene ang mga kapwa-Goin’ Bulilit stars nila na sina CJ Navato, Kristel Fulgar and Kiray Cellis.

Also starring are five young T-Rex Artists who are making their big debut sa nasabing pelikula na sina Shara Dizon, Hanna Francisco, Lara Fortuna, Aga Arceo and Renshi de Guzman.

Showing na ang Class of 2018 sa Nov. 7.