Marco may apila: ’Di malandi si Vice

October 21, 2018
Marco Gumabao

AYON sa Los Bastardos star na si Marco Gumabao, hindi raw dapat bigyan ng malisya ang kung anumang closeness na meron sila ng It’s Showtime host na si  Vice  Ganda.

Aniya, “Unang-una, hindi n’yo maiiwasan talaga ’yung ganyan. Basta ako, ang importante sa akin, alam ko ’yung totoo. Si Vice, alam niya ’yung totoo. ’Yung mga kaibigan ko alam ’yung totoo.”

Eh, ano ba talaga ang totoo?

“Na talagang parang nanay namin siya. Close kami, nanay-nayan and I’m sure yung mga Hashtags din naaano, naiisyu ng ganyan, pero ako naiintindihan ko kasi si Vice talaga  mahilig talaga siyang makisama.

“Eh, masaya siyang kasama, so ako naman bakit ko isa-sacrifice yung samahan namin para sa mga iniisip ng ibang tao. Kung alam kong hindi naman totoo ’yung sinasabi nila, bakit ko papansinin, ’di ba?

“People can assume all they want pero hangga’t walang ebidensiya, wala naman talagang… hindi n’yo malalaman, ’di ba? Eh, kami nina Vice, talagang alam namin na ’yung pagsasama namin is nanay-anak na turingan talaga,” mahabang paliwanag ni Marco.

Hindi rin daw naramdman ni Marco na nagnasa sa kanya si Vice Ganda at gusto siyang gawing boyfriend.

“Wala, eh,” sabi agad niya. “Tingin ng tao sa kanya, ano siya, na malandi pero hindi, eh. Mas ano pa nga siya, eh, siya pa nga yung shy.

“Kapag lumalabas kami, for example, laging sasabihin niya, ‘Oh, ’wag kayong mambababae ha, ako muna ’yung hanapan n’yo.’ Tapos kami, siyempre hahanapan namin siya,” natatawa niyang pag-amin.

“So, siguro ’yung iniisip ng tao na malandi siya, na mahilig siyang mag-ano, siguro pang-front lang niya ’yon kasi ’yon ’yung bumebenta sa mga tao, ’yon ’yung nakakatawa, eh. Pero alam niya personally, kapag off cam, alam niyang hindi siya ganun and alam rin naming hindi siya ganu’n,” pagtatanggol pa niya sa actor/TV host.

Eh, what if ma-attract sa kanya si Vice?

Sagot ni Marco, “Siguro, ngayon kasi normal naman na sa mundo natin na nagkakagusto tayo sa isa’t isa or you find someone attractive, pero hanggang don lang. At least, naa-appreciate mo na that person finds you attractive, pero mas nirerespeto ko pa siya dahil wala siyang ginagawa.

“Kasi may mga tao na talagang lantaran, eh. Si Vice, hindi talaga siya ganu’n, not at all. Ako, never kong naranasan na naging ganun siya to me or to any of my friends.”

Kasama ni Marco sa Los Bastardos sina Diego Loyzaga, Jake Cuenca, Joshua Colet at Albie Casino.