Luigi, tanggap ni Lani kahit anak ni Bong sa ibang babae

September 19, 2018
Luigi Revilla

Si Luigi Revilla naman ang humarap sa isang solo presscon kahapon para sa episode niya sa action trilogy film na Tres, ang Amats.

Tulad ng kanyang dalawang kapatid na may mga kanya-kanya ring episodes sa Tres na sina Bryan at Jolo Revilla, comeback film din ni Luigi ang naturang pelikula. Kung tutuusin ay taong 2010 pa siya nagsimula sa showbiz pero tumigil siya at mas prinayoridad niya ang pag-aaral.

Ngayon ay graduate na siya ng kursong Entrepreneurship from the Enderun College sa Taguig City.

Magsisimula na sana siya ng isang maliit na negosyo nang kausapin siya ng kanyang amang si former Sen. Ramon Revilla na samahan muna ang mga kapatid sa pelikulang Tres.

Hindi naman kaila sa lahat na half-brother nina Jolo at Bryan si Luigi dahil magkaiba ang kanilang ina. Kaya naman sa presscon kahapon ay hindi naiwasang maitanong sa huli kung kumusta naman ang closeness niya with his half siblings.

Kwento ni Luigi, the first time pa lang na na-meet niya ang mga kapatid sa wake ng Lola Azucena nila na asawa ni former Senator Ramon Revilla, Sr. ay naging maganda na agad ang pagtanggap sa kanya ng lahat.

“That time pa lang, grabe na ang pag-accept sa akin ng mga kapatid ko. Kiniss pa ako nila and sobrang warm ’yung pag-welcome sa akin,” kwento ni Luigi.

“Pero after that time, matagal kaming hindi nagkita. Bata pa kasi ako noon, eh. And then, biglang nagkita kami sa Boracay. And ’yun, from there, when we got back to Manila, every Sunday, nagkikita na kami, which until today, nangyayari,” he added.

Parang nagkataon lang daw ang pagkikita nila sa Boracay at ’yun daw ang naging mitsa ng kanilang closeness.

“Sobrang blessed. And ’yun nga, they don’t treat me like a half-brother. Kung pakilala ako kahit kanino, sasabihin nila, ‘uy, kapatid ko si Luigi.’

“’Yung pagtrato nila sa akin, parang hindi ko talaga ma-explain dahil sobrang they accepted me especially, si Tita Lani (Mercado, wife of Sen. Bong and mother nina Jolo at Bryan),” pahayag pa ni Luigi.

Ganu’n na lang ang paghanga ng aktor kay Lani dahil alam naman daw niyang masakit sa isang asawa na mayroong anak sa labas ang kanyang mister.

“When I first went to Alabang (bahay nina Bong & Lani), parang never ko na-feel na I wasn’t welcome, from day 1 talaga. I’m sure, kahit paano masakit ’yun, eh, kay Tita Lani.

“You can’t deny na... siyempre, may anak si Papa sa labas. Pero grabe, bilib ako sa pag-handle niya ng situation dahil she never made me feel na I was out of place, especially when I visit, parang siya pa ’yung nagpapakain sa akin.

“And I love Tita Lani. I see her as my second mom, and my mom (Lovely Guzman) and her are okay also and I’m just really happy and blessed that she and my siblings accepted me to the family. And ngayon, sobrang close kami,” saad pa ni Luigi.

Sa ngayon ay may asawa’t isang anak na lalaki na si Luigi. Nag-asawa raw siya at 24 (26 na siya ngayon) dahil gusto raw niya na ang mga anak niya ay parang kabarkada lang niya.

Hindi pa masabi ni Luigi kung dire-diretso na ang showbiz comeback niya dahil may mga negosyo na rin siyang inaasikaso ngayon.

Pero for sure, isa na ang Tres sa mga tatatak na trabaho niya sa buong showbiz career niya simply because ito nga ang first time na nagkasama-sama silang tatlong magkakapatid.

Showing na sa October 3 ang Tres produced by Imus Productions and released by Star Cinema.

Kasama ni Luigi sa Amats episode sina Assunta de Rossi at Myrtle Sarrosa bilang leading ladies niya. Ito ay mula sa direksyon ni Dondon Santos who also helmed 72 Hours na episode naman ni Jolo. Virgo naman ang episode ni Bryan mula sa direksyon ni Richard Somes.

Tagged Under