4,772 guests

Lolo Javier, ice cream ang panuhol kay Zia

  • Written by Jun Nardo
  • Published in Showbiz
  • Read: 600
Lolo Javier & Baby Zia Lolo Javier & Baby Zia

IIKOT naman ang mundo ni Marian Rivera sa overseas Filipino workers (OFWs) na GMA News & Public Affairs program na Tadhana.

Aminado man siyang hindi siya bihasa at magaling na storyteller, gusto niyang maging daan ang show para magbigay inspirasyon at makatulong sa ating kababayan na kumakayod sa ibang bansa para sa magandang kinabukasan ng pamilya.

“Ito ’yung isang paraan para sa kababayan natin sa ibang bansa na puwedeng magpadala ng sulat para ikuwento ang buhay at experience nila. At sa pagkakataon na ’yon, matulungan natin sila kung may problema sila.

“Pagkakataon na ito para ikalat sa ibang bansa na may mga tao, may mga Pilipino na nandito para sa kanila kung may problema man sila na puwedeng masolusyunan.

“Hindi naman siguro mabilisan pero at least, magkaroon ng puwang para makita natin na kailangan nila ng tulong,” pahayag ni Marian.
    
Handa naman niyang tanggapin ang obligasyon kung sakaling italaga siyang ambassadress ng mga OFW.
    
“Kung mabibigyan ng pagkakataon at ako ang magiging imahe nila, bakit hindi? ’Wag nang i-involve sa government. Siguro tumulong na lang. Hindi na kailangan may posisyon ka para makatulong,” rason ng GMA Primetime Queen.
    
Kagagaling lang niya sa Greece, Italy, at Spain para magbakasyon. Dumalo sila nina Dingdong at Zia sa kasal ng kaibigan sa Italy habang sa Spain naman, eh, first time magkita ng anak niya at father Javier niya.
    
“Priceless ’yung moments na ’yon. Kaya naman ako, nu’ng uuwi na, napaluha na lang dahil nga matatagalan ang balik namin doon. Ang sayang tingnan ng bonding moments ng mag-lolo,” chika ni Yan.
    
Naniniwala na raw siya ngayon sa lukso ng dugo dahil habang pinagmamasdan ang mag-lolo parang ang tagal-tagal na nilang nagkakilala.
    
Ang panglambing daw ni Lolo Javier kay Zia ay ice cream dahil mahilig pala ang bagets dito.
    
Samantala, nagkaroon naman daw sila ng “us” time ni Dong habang nasa abroad. Pero nang tanungin kung may nabuo bang “made in Spain o Italy,” nanunuksong sagot ni Marian, hintayin na lang after two or three months.
    
Cute rin ang kwento niya sa pagkikita nila ng mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo sa kasal ng kanilang common friend.
    
Hinihiram nga raw ni Juday si Zia para alagaan habang pinapapasyal sina Marian at Dingdong dahil miss na ng aktres ang bunso nila ni Ryan na si Luna.
    
Sa sobrang saya ng bonding nila, napagkasunduan nilang mag-bonding minsan pagbalik ng ’Pinas.
    
Samantala, sa mga pictorial nila sa IG, kainggit-inggit ang kasiyahan nila bilang pamilya. Nagsisilbing inspirasyon tuloy sila ng iba.
    
“’Yung picture na sini-share namin sa social media, para sa mga nagmamahal sa amin ’yon. Wala silang sawang nagdarasal para maging masaya ang pamilya namin. Kulang pa ang pagpu-pose na ’yan at pasasalamat sa walang sawang nagmamahal sa amin.
    
“’Yung iba nga, hindi na Marian at Dingdong. Zia na. Siguro kahit sa maliit na pagkakataon na naisi-share namin ang picture ni Zia, bahagi ’yon ng pagmamahal namin sa kanila,” rason niya.
    
Marami tuloy ang inggit na inggit sa kanya, huh!
    
“Diyos ko! Ang pangit naman ng salitang kinaiinggitan. Huwag na ’yon. Siguro, kung may pagkakataon na ganyan na nangyayari sa buhay, siguro iisipin ko na lang ang biyayang natatamo ko at wala akong katiting na dahilan para i-entertain natin ang ganyang bagay.
    
“Saka ang maganda, ipagdasal natin ang happiness na meron ako doon sa mga tao o kung sinuman, eh, ma-share ’yan sa kanya. Saka, tama na! Nandiyan ang asawa ko. Anak ko, ang hiling na magkaroon pa ng anak. May taong nagmamahal sa akin.
    
“So parang walang way para i-entertain ko ’yang negative o inggit na ’yan. Tama na!” paliwanag ni Marian.
    
Ngayong araw na ito mapapanood ang Tadhana after ng Ika-6 Na Utos.