‘Liway’ ni Glaiza sa Cinemalaya, may theatrical run

September 23, 2018

Mas napaaga ang regular theatrical run ng Liway ni Direk Kip Oebanda at pinagbibidahan ni Glaiza de Castro. Ire-release ito ng Quantum Films ni Atty. Joji Alonso sa October 10.

Glaiza de Castro
Glaiza de Castro

Ang pelikulang ito ang kinikilala ngayon ng Cine-malaya Foundation at Cultural Center of the Philippines (CCP) as the highest top grossing film of all time ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival sa loob ng fourteen years of existence ng nasabing indie film festival.

Natutuwa naman ang Kapuso actress sa desisyon ng producer na ipalabas ito nationwide dahil aniya, mas maraming tao ang makakapanood ng pelikulang pinarangalan bilang Audience Choice Award sa 14th edition ng awards night ng Cinemalaya last August.

Hango ang kuwento sa tunay na buhay ni Direk Kip na ipinanganak sa loob ng bilangguan kung saan nakulong ang kanyang mga magulang.  

“Maski na lumaki ako sa loob ng bilangguan, masasabi kong ang kabataan ko ay puno pa rin ng saya at pagmamahal. Sa loob ng maliliit ng silid na pinalilibutan ng barbed wire, natuto akong magbasa at magsulat.

“At kahit na hindi bagay sa isang bata ang ganu’ng klaseng lugar, ginawa ng mga magulang ko ang lahat para magkaroon ako ng normal at masayang kabataan,” kuwento ni Direk Kip.

Maliban kay Glaiza na gumaganap bilang Inday/Kumander Liway, bahagi rin ng cast sina Dominic Roco, Soliman Cruz, Joel Saracho, Nico Antonio, Sue Prado, Vance Larena at Khalil Ramos na gumaganap ng espesyal na papel.         

Ang child actor na si Kenken Nuyad ang gumaganap na anak ni Inday na si Dakip.

Ang pelikula ay magkatuwang na isinulat nina Direk Kip at Zig Dulay, at mula ito sa produksyon ng Cinemalaya, VY/AC Productions at Equisite Aspect Ventures.