4,974 guests

Litrato ni Isabel sa ataul, nagkalat sa Net

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 401

Nakakadurog ng puso ang senaryo sa unang lamay ng yumaong aktres/singer na si Isabel Granada last Thursday night sa Santuario de San Jose Parish sa Greenhills.

Bagama’t hindi na kami nagkaroon ng pagkakataon na makapunta sa first night, we were told by  writer-friends kung paano nadurog ang puso nila sa nakita sa mommy ni Isabel na si Mommy Gwapa.

“Hindi siya bumababa sa van,” kwento ng kaibigang Roldan Castro, “nasa van lang siya at dinadalhan ng tubig at pagkain ng mga kaibigan, hindi niya kayang makita si Isabel na nasa kabaong. Nakakaiyak talaga.”

Sobrang napakasakit naman talaga for a mother na makita mong nasa kabaong ang iyong anak at ipinagdarasal namin na sana’y malampasan ni Gwapa ang napakalaking dagok na ito sa kanyang buhay.

Hindi rin nakakatulong sa pamilya ang kawalan ng respeto ng ilang netizens na marahil ay galing sa public viewing at nagpu-post ng picture ni Isabel sa loob ng kabaong.

Marami nang nag-repost ng nasabing pictures, kaya naman nanawagan na ang malalapit sa aktres at sa pamilya nito kahapon na tigilan na ang pagpu-post ng kuha kay Isabel sa loob ng ataul.
    
Ang panawagan ay sinamahan nila ng hashtag na #RespectIsabelGranada.
    
Samantala, dumagsa ang mga kaibigang artista ni Isabel sa unang gabi ng lamay.
    
Ayon sa ulat ni Arniel Serato ng PEP, dumating sina Janella Salvador, Elmo Magalona, Sunshine Dizon, Paolo Ballesteros, mga kasamahan sa That’s Entertainment na sina Manilyn Reynes, Ana Roces, Jennifer Sevilla, Shirley Fuentes at ang mag-asawang Romnick Sarmenta at Harlene Bautista, among others.
    
Naroroon din ang mga kaibigan ni Isabel na sina Nadia Montenegro, Chuckie Dreyfus at Bianca Lapus na siyang nag-aasikaso ng lamay ng aktres.
    
Punong-abala naman sa pagtanggap ng mga bisita ang asawa ni Isa na si Arnel Cowley, ex-husband na si Jericho Aguas at anak nila na si Hubert.
    
Sa Linggo, ganap na alas-dos ng hapon, nakatakdang i-cremate ang mga labi ni Isabel.