Ken, hirap iarte ang bagong role sa teleserye

November 04, 2018
Ken Chan

Natutuwa si Ken Chan sa mga positive comments na natatanggap niya sa portrayal niya ng kanyang karakter na si Boyet sa My Special Tatay na may diperensiya sa pag-iisip.

Bagama’t may mga negative comments din naman daw, pero napaka-minimal daw nito’t mabi-bilang lang sa daliri compared sa mga positibo.

“Ang (nega) comment lang po na nakikita ko, “bakit si Boyet, may lipstick?” Akala nila nagli-lipstick ako,” natatawang sabi ni Ken.

Natural talagang ma-pula ang lips ng aktor at nakikita rin naman namin talaga. Sey nga niya, minsan daw ay nilalagyan pa ng make-up artist ng brown powder ang lips niya para mabawasan ang redness.

Pero pagdating sa kundisyon ng kanyang karakter na may Mild Intellectual Dissability with mild Spectrum Autism Disorder, may nagtatanong daw na bakit parang wala namang mental disability si Boyet at parang normal naman.

Ang sagot dito ni Ken, talaga raw ’yun ang sakit ng kanyang karakter. Mild lang daw talaga at parang normal lang daw talaga ang mga taong may ganitong kundisyon.

In fact, nang nag-immersion nga raw sila ay naka-meet siya talaga ng taong ganito at nakausap pa niya.

“Mayroon akong na-interview nu’ng pumunta ako sa Independent Learning Living Center dito sa may Mandaluyong, school po siya para sa may intellectual dissability, iba-iba. Du’n po kami nag-immersion po, sina Direk LA, pati ‘yung creative team po ng GMA.

“So, may nakausap po ako, may na-interview po ako na mayroong severe case, mayroong moderate, pero mas nag-focus po ako sa mild, kasi ’yun po ang role ko.

“Normal talaga siya, pero ’pag nakausap mo nang masinsinan, may makikita kang something na kakaiba,” kwento ni Ken.

Kaya raw mas mahirap pa i-portray ang ganitong karakter kaysa sa mga severe cases dahil paano raw niya ipakikita ang normal pero hindi normal na pag-iisip.

“Mas madaling ipakita ’yung severe saka ’yung moderate, eh. Mas madali siyang i-act. So, dito sa mild, mahirap siya, kasi paano? Paano mo papakita na close to normal pero dapat, makita sa TV na mayroong konti.”

Mabuti naman daw at nakuha rin naman niya nang tama kung paano i-portray ang karakter ni Boyet at pagpapatunay nga nito ay ang mga positive reviews na natatanggap niya.