6,014 guests

Kasunod ni Zia, depende sa GMA -- Dingdong

  • Written by Nitz Miralles
  • Published in Showbiz
  • Read: 412

Teleserye nina Marian at Dingdong, magsasalpukan!

BUSY na pareho sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa taping ng kani-kanyang teleserye sa GMA-7. 

Nauna nang nag-taping si Marian ng Super Ma’am (dating The Good Teacher) at si Dingdong, magsisimulang mag-taping ng Alyas Robin Hood 2 ngayong Martes.

Tila mauuna ang airing ng teleserye ni Dingdong dahil sa August na naka-schedule.
    
Ang teleserye ni Marian ay wala pang schedule ng airing, pero malay natin, magbago ang desisyon ng management at pagsabayin ang airing ng shows ng mag-asawa.
    
Mas bagay ang title na Super Ma’am sa teleserye ni Marian dahil may power yata siya rito at may costume nga tuwing nagta-transform siya.
    
Hindi too sexy ang costume ng aktres dahil bata ang target audience.
    
Anyway, bukod sa Alyas Robin Hood 2, may two movies na gagawin o ginagawa na si Dingdong, kaya nang tanungin namin kung kailan masusundan si Zia, ang sagot, depende sa GMA-7 dahil nga sa action series.

* * *

SI Dominic Zapata ang director ng Alyas Robin Hood 2 at isa rin siya sa directors ng Mulawin vs. Ravena.
    
Ang sabi niya, kakayanin ng power niya na idirehe ang dalawang shows. Hindi niya iiwan ang Mulawin vs. Ravena, pero magku-concentrate muna siya sa pilot week ng Alyas Robin Hood 2  na today nga ang start ng taping.
    
Alam ni Direk Dominic na mag-o-overlap ang kanyang schedule, kaya pinaghandaan niya at hindi sabay ang araw ng taping ng two shows.
    
Sabi niya, nakaya niya dati maging director ng three shows at kakayanin niya ang work load ngayon.
    
Samantala, pinuri ni Direk Dom ang mga artista niya sa Mulawin vs. Ravena gaya ni Dennis Trillo.
    
“Dennis is impressive. I think a lot of his co-actors learn a lot from him. As a viewer, there’s wealth of talent in what he does. Puwede siyang ilagay kahit saan at gagalingan niya.”
    
“Gusto ko rin si Kiko Estrada kasi I like his work ethics.  I like that he tries to better himself everyday, and I could say the same thing for all my actors. It has become a culture in their group not only when it comes to acting, pati sa pangangatawan nila, obvious naman kay Derrick Monasterio or sa kanilang moves. You see that they’re a little bit better and better,” sabi ni Direk Dom.
    
Hindi lang ang taping ng two shows ni direk ang mag-o-over lap, pati rin ang airing, kaya good luck!

* * *

SINA Ken Chan at Kim Rodriguez ang new couple sa showbiz o kung nagliligawan pa lang, papunta na sa pagiging couple.
    
Ang tapang ni Kim na mag-message ng “I love you” kay Ken via Instagram (IG) kahit alam na may magre-react na fans nina Ken at Barbie Forteza.
    
Twice na siyang nag-“I love you” kay Ken.
    
Nagdi-date na rin ang dalawa, una sa pizza parlor at noong isang araw, nasa Baguio silang dalawa with a friend.
    
Pansin lang namin, hindi nila pinu-post sa kani-kanyang IG ang pictures nila together, sa IG story lang ni Kim lumalabas.
    
Tanggapin na lang ng KenBie fans na ang “for real” ni Barbie ay si Jak Roberto at  “for reel” si Ken.
    
Kung magpapatuloy, maging "for real” kaya ni Ken si Kim?
    
Aliw lang dahil ex ni Kim si Kiko Estrada na ex ni Barbie na ka-loveteam ni Ken.
    
May konek ang lovelife nina Ken at Barbie.

* * *

SA July 19 na ang showing ng Kita Kita nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez na graded A ng Cinema Evaluation Board.
    
Naniniwala si Director Sigrid Andrea Bernardo at mga producer ng movie na kinabibilangan nina Piolo Pascual, Erickson Raymundo at Director Joyce Bernal na mabi-build up nilang leading man si Empoy via this movie.
    
Biniro nga ng press people si Alex na mukhang mas makikinabang si Empoy sa pagtatambal nila kapag naging box-office success ang Kita Kita.
    
Heto nga at may next movie na siya sa Spring Films, si Alex wala pa.
    
Hindi makapaniwala si Empoy sa big star treatment sa kanya ng Spring Films dahil dinala pa sila ni Alex sa Japan para sa shooting.
    
Kaya ang dare kay Empoy, kailangang kumita at maging box-office ang Kita Kita para tuluy-tuloy ang pagbibida niya.
    
Sagot niya, sinisipagan nila ni Alex ang pagpu-promote ng pelikula.