Jolina, naaawa kay Regine

November 10, 2018
Jolina Magdangal

After giving birth last May sa second baby nila ni Mark Escueta, hindi pa ulit bumabalik sa ASAP si Jolina Magdangal kaya wala pa siyang maibigay na pahayag tungkol sa pagre-reformat ng nasabing Sunday variety show.

“Nu’ng bumalik ako sa Magandang Buhay, naka-program pa lang ako sa Magandang Buhay. So, nu’ng nagiging parang slightly ready na ako na mag-ASAP, nagkaroon nga ng ganito,” ani Jolens nang makatsikahan namin sa surprise birthday party na ibinigay sa kanya ni Mark at ng manager niyang si Perry Lansigan.

“Pero ayokong maki-ano, eh, alam mo ’yung parang ano na, ‘uy, ready na ako, game na.’ Baka may nangyayari pa sa kanila internally, so tingnan natin.”

Siyempre, hindi pa raw niya masabi kung ano ang mangyayari ngayon, kung makakasama pa ba siya o hindi.

“Mag-reformat man o hindi, siyempre, mahal ko ang ASAP, mahal ko talaga ’yung ASAP, iba rin ang naging attachment ko sa ASAP, iba sa Magandang Buhay.

“So, in a way, siyempre nagsasabi ako kay Perry (Lansigan, her manager), pero ’yun nga, kung anuman ’yung plano nila, at kung alam kong may lugar ako, dadating ’yun,” she said.

Of course, aware siya na Kapamilya na rin ngayon si Regine Velasquez at nakarating din sa kanya ang balita sa naranasang pangba-bash ng netizens sa paglipat ng Asia’s Songbird.

Nalulungkot din si Jolens sa nangyari at aniya, sana ay wala na lang ganu’n.

“Parang naawa ako kay Ate (Regine), kasi alam ko ’yung feeling, eh, na mapunta ka sa Kapamilya, pero kumbaga, ganu’n naman ’yung kapalit, parang naano lang ako sa kanya, parang sabi ko, sana, naging happy na lang ‘yung ibang tao para sa kanya.

“Pero ewan ko, hindi ko na rin kasi maintindihan ang mga tao ngayon, basta maka-comment, eh.”

May pumuna nga na si Jolens man ay lumipat sa Kapamilya mula sa GMA-7 pero wala itong gaanong naranasang pangba-bash compared kay Regine. When asked about this, no comment na lang dito ang aktres/singer.

“Makapag-lipstick nga muna,” pagbibiro niya. “Basta ako, kung anuman ’yung pinagdaanan ni Ate Regs, alam kong haping-happy siya. ’Yun lang, sana na lang, hindi na lang nagkaroon ng bashing. Pero sabi nga nila, kung anuman ’yan, basta happy ka, dedma na,” she added.