Jean, ayaw magpahalik sa taping

November 04, 2018
Jean Garcia

Ang pasasalamat ni Jean Garcia sa maraming nagkagusto sa Ika-5 Utos at ’yung eksena nga sa pilot week nang malaman ni Eloisa (Jean) ang pagtataksil nina Clarisse (Valerie Concepcion) at Randy (Neil Ryan Sese), umabot sa 10M ang views.

“Whoooaaa...10M views? Maraming maraming salamat po mga Kapuso,” post nito.

Mas lalo pa nitong tataas ang views ng mga eksena ng Ika-5 Utos dahil paigting nang paigting ang story. Hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa mga susunod na episodes, kaya dapat sinusubaybayan.

Ang inaabangan ngayon ay kung matutuloy ang kasal nina Eloisa at Emil (Tonton Gutierrez) dahil nalamang hindi pa annulled ang kasal nina Emil at Clarisse. Magugulo naman ang relasyon nina Brix (Jeric Gonzales) at Candy (Klea Pineda) dahil umeksena ang ex-GF ni Brix na gagampanan ni Kim Rodriguez.

Hinihintay din ng viewers kung pahahalik si Jean kay Tonton dahil binuking ni Tonton na hindi nagpapahalik sa lips si Jean, kahit smack lang at nirerespeto niya ang desisyon nito.