Iba pang showbiz personalities na muling kakandidato

October 16, 2018
Lito Lapid at Mark Lapid
Lito Lapid at Mark Lapid

PAREHONG kakandidato sa darating na May 2019 mid-term elections ang mag-amang Lito at Mark Lapid sa magkahiwalay na posisyon.  Muling kakandidato si Lito sa pagka-senador na dalawang termino niyang pinaglingkuran mula 2004 hanggang 2016. Tatakbo naman sa pagka-mayor ng Porac, Pampanga ang anak niyang si Mark.  Ang mag-ama ay magkahiwalay na nag-file ng kanilang respective Certificate of Candidacy (COC).  Naunang nag-file si Mark sa Porac, Pampanga at sumunod naman si Lito sa head office ng COMELEC sa Intramuros.

Dahil kakandidato pareho sina Lito at Mark sa pulitika, kinakailangan nilang magpaalam sa tumatakbong serye, ang “FPJ’s Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Coco Martin na siyang kumuha sa mag-amang Lapid para  sa top-rating and long-running action-drama TV series.  Magiging malaking tulong kina Lito at Mark ang kanilang magandang exposure sa show.

Samantala, naghain na rin ng kanyang reelection bid bilang senador si incumbent senator Grace Poe last Monday, October 15.  Siya’y sinamahan ng kanyang ina, ang movie queen na si Susan Roces sa Commission on Elections Office in Intramuros.

Kakandidato naman sa pagka-vice mayor ng Cainta si Gary Estrada at ka-tandem niya ang incumbent vice-mayor ngayon na si Pia Schuck-Velasco na siya namang lalaban sa pagka-mayor against the incumbent mayor na si Mayor Johnielle Keith Nieto.  Suportado naman ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga ang pagkandidato ng kanilang ama sa pagka-mayor ng Taytay, Rizal, ang vice mayor ngayon na si VM Carlito Gonzaga.

Maging ang mister ni Korina Sanchez-Roxas, ang dating senador at dating DILG Secretary at tumakbo sa pagka-Pangulo sa 2016 Presidential elections na si Mar Roxas ay muling tatakbo sa pagka-senador.