Gabby, feeling virgin sa career

September 16, 2018
Gabby Concepcion

Kung si Gabby Concepcion ang tatanungin, gusto na niyang kalimutan ang nakaraang showbiz career niya at para sa kanya, year 2008 lang siya nagsimula sa showbiz.

Taong 2008 nang bumalik si Gabby sa Pilipinas mula sa matagal na paninirahan sa Amerika. Umalis siya sa bansa noong 1995 matapos masangkot sa Manila Film Festival scam noong 1994.

But before this, halos lahat naman siguro ay nakakaaalam na isa nang sikat na aktor si Gabby. Dekada 80 ang peak ng kanyang career kung saan, sikat na sikat din ang tambalan nila ni Sharon Cuneta.

Truth is comeback year niya ang 2008 pero para sa kanya doon daw nagsimula ang kanyang buhay.

“Anything before 2008, pasensiya na kayo ha, pasensiya na kayo, medyo nahihirapan akong... kasi ayoko nang balikan ang nakaraan... so nagmu-move forward na ako,"  pahayag ni Gabby nang makausap namin siya sa last shooting day ng bago niyang pelikula, ang Man & Wife na dating Gulong ng Palad kasama si Jodi Sta. Maria.

Biniro nga namin si Gabby na nagkaroon na yata siya ng amnesia.

“Sige na, tanggapin n’yo na lang, para at least, di ba,  umpisa tayong lahat, fresh,”  sambit niya.

Kaya nga raw itong movie nila ni Jodi, ani Gabby, napapanood daw niya dati ang aktres dahil nauna raw itong mag-artista sa kanya since 2008 nga lang daw siya nag-start.

“’Yung 2008, ’yun pa lang talaga ako nag-uumpisa kaya nagpapasalamat ako dahil medyo meron namang improvement ’yung career ko, ’di ba? Sinong magaakala na makakasama ko si Jodi ngayon? ’Di ba? Totoo lang,” dagdag pang paliwanag ni Gabo.

Marami raw nangyaring magaganda sa kanyang buhay nang magsimula ang taong 2008. Pero hindi naman daw niya kinakalimutan na marami ring nangyaring maganda sa kanya noong bata siya.

“Pero itong nangyari sa akin sa showbiz nu’ng bumalik ako, eh, talagang God’s gift,”  sey pa niya.

Si Gabby ang gumaganap na Carding sa Man & Wife na matatandaang ginampanan noon ni Ronald Corveau sa Gulong ng Palad, ang hit drama series noong dekadaa 70.

Si Jodi naman si Luisa na ginampanan naman dati ni Marian dela Riva.

Man & Wife  is intended for Metro Manila Film Festival 2018 under Cineko Productions directed by Laurice Guillen.