4,786 guests

Direk Coco, may gustong patunayan sa ‘Panday’

  • Written by Leo Bukas
  • Published in Showbiz
  • Read: 410

MARAMI ang namamangha sa dedikasyon ni Coco Martin bilang direktor ng Ang Panday na kasali sa 2017 Metro Manila Film Festival mula sa CCM Films. Tutok na tutok daw ang aktor sa first venture niya bilang direktor at kitang-kita ito habang nagsusyuting siya ng pelikula.

“Seryoso siya sa set at alam niya ang kanyang ginagawa,” sey ng ilang artistang katrabaho ni Direk Coco.
    
“Gusto niyang mapaganda ang pelikula kaya ultimo maliliit na detalye ay binubusisi niya,” dagdag naman ng kanyang production staff.
    
Ayon naman kay Eric John Salut ng Dreamscape Entertainment na napanood na ang rough edit ng Ang Panday, sobra siyang na-amaze sa nakita niya.
    
“Susme, may gustong patunayan si Coco bilang direktor! Amazing camera works! Ang ganda ng tahi ng story, malinis!
    
“At ’di ko kaya ’yung dami ng artists na nakita ko! Makapigil-hininga ’yung action scenes! At ’yung puso ng movie, grabe ’yung kurot. At ang sakit ng tiyan ko kakatawa sa mga funny scene!
    
“Rough edit pa lang, pero dama mo agad ’yung journey and experience! Isa lang sasabihin ko, mahusay na direktor si Coco!!!”
    
Wow naman!

* * *

MARAHIL ay na-challenge si Coco sa mga nagtataas ng kilay noong sabihin niyang ire-remake niya ang pelikula ni FPJ na siya rin ang bida at direktor. Gusto niyang ipakita sa mga taong wala pang tiwala sa kanya as a direktor na meron din siyang ibubuga.
    
Sa hindi pa nakakaalam, nagdidirek na rin noon si Coco. Siya ay crowd director ng ilang indie films na ginawa niya kay Direk Brillante Mendoza.
    
Lahat din ng nae-experience niya noon sa paggawa ng indie ay tinatandaan niya. Hindi lang naman siya basta na lang nagsabing gusto niyang magdirek. Inaral din naman niya ang lahat at marami rin siyang kinakausap para i-guide siya.
    
Si Coco rin ay isa sa creative consultants ng Dreamscape para sa FPJ’s Ang Probinsyano. Brilliant ang kanyang mga idea pati na kung paano ito i-execute.
    
Sey pa nga ng aktor, “Medyo matigas lang talaga ang ulo ko kasi pinagsasabay ko ang Probinsyano at Panday pero sinisigurado ko naman na naibibigay ko ’yung 100 percent na commitment ko sa dalawang project.
    
“Kahit hindi na ako matulog at magpahinga, okey lang sa akin basta nakikita kong maayos lahat. Tapos kapag may mga nagkakagusto ng ginagawa ko, lalo akong ginaganahan.”
    
Makakatapat ni Coco sa Metro Manila Film Festival ang mga pelikula nina Vice Ganda at Vic Sotto pero naniniwala siya na kakayanin niyang sumabay kahit isang baguhan lang siyang producer.
    
“May awa po ang Diyos. Alam ko naman na hindi Niya ako pababayaan,” sabi pa ng aktor-direktor.