Dating child star, nagtitinda ng banana cue sa may riles ng tren

September 10, 2018
Rhed Bustamante

MARAMI ang hindi makapaniwala sa nangyari sa mahusay na batang aktres na si Rhed Bustamante.

Napanood namin ang Rated K ni Korina Sanchez noong Linggo at nanlumo kami nang malaman na ganito pala ang nangyari sa kanya.

Kung matatandaan, si Rhed ang batang kontrabida sa "Flor de Liza" at may ilan pa siyang nagawang TV series, gayundin mga pelikulang nag-klik sa takilya tulad ng "Maria Leonora Teresa" at "Girl Boy Bakla Tomboy" ni Vice Ganda.

Nanalo rin siya ng best child actress award para sa pelikulang "Seklusyon" ni Erik Matti.

Dalawang taon na pala siyang walang pelikula at siya ang breadwinner ng pamilya. Kung noong una ay nakaa-afford pa silang manirahan sa isang P6,000 a month na apartment, kinailangan nilang lumipat sa isang mas murang tirahan sa Bulacan.

Pero ngayon, nasa Sampaloc na sila at nagtitinda ng banana cue malapit sa riles ng tren.

Nang kausapin ni Korina, mahusay magsalita ang bata. Puwedeng-puwede pang makabawi. Siguro ay kailangan lamang ng isang masipag na talent manager ang bata para makapagpatuloy ito ng pag-aartista. Ang maganda kay Rhed, nagpapatuloy ito ng pag-aaral.

Siguradong tutulungan siya ni Korina para makabalik sa pag-aartista. Malamang din na suportahan siya ni Vice Ganda dahil nakasama niya ito sa pelikula. Sayang naman kung hindi dahil nakikitaan namin ng husay ang bata.