Christian, walang balak magpatapyas ng ilong

November 09, 2018

Minsan pa ay itinanggi ni Christian Bables na nagparetoke siya ng ilong tulad ng matagal nang napapabalita. Aniya, nang makausap namin sa presscon ng pelikula nila ni Cora Waddell na Recipe for Love ng Regal Entertainment, hindi nga raw niya alam kung bakit ayaw siyang tantanan ng mga basher na kumukuwestiyon sa tangos ng kanyang ilong.

“Nakakatawa na dito lang sa Pilipinas kinukuwestiyon ang ilong, nakakatawa,” simula ni Christian.

“To tell you honestly, medyo nakakatawa na lang, ano? Kasi may mga ganito though I don’t want to explain, my mom is Spanish, my lolo is pure Español. Kung makikita n’yo ang ilong ng lolo ko, mas matulis, kayang makahiwa ng cake sa tulis ng ilong. Nagkataon lang kasi siguro na ang tatay ko ay Indian, so, naghalo,” paliwanag ng aktor.

Dagdag pa niya, kahit daw magpakita pa ng before and after (the alleged enhancement) ang mga netizen, pareho pa rin ang ilong niya.

“Kahit ipakita ko ’yung picture noong bata ako, grabe, I cannot believe I’m defending my looks, ’di ba? Kumbaga, kahit naman ipakita ’yung pictures ko noong bata ako, ganito pa rin siya. Nag-mature lang ang hitsura ko pero ganito pa rin siya, eh.

“Anong magagawa ko, biniyayaan tayo ng good looks? Hindi sa pagmamayabang, dahil ayan ang binabash ng mga tao, parang kasalanan ko ba kung hindi kayo sanay na may ganitong hitsura? ’Di ba?”

Kaya nga mas gusto niya pa raw sa ibang bansa dahil kapareho niya ng ilong ang mga tao.

“Nakakatuwa nga kasi sa ibang bansa, kahit saan ako tumingin, kailong ko ’yung mga tao. So, ang sarap sa ibang bansa,” natatawa niyang sabi.

Naapektuhan ba siya sa akusasyong ito sa kanya?

“At first, yes, it did affect me. Naaapektuhan ako kasi bakit ganu’n? Hindi ko malaman-laman bakit ang taas-taas ng standards ng mga Pinoy when it comes to beauty, eh, ’yung nagse-set ng standards na ’yun, kung titingnan mo siya, nasa’n ang beauty, ’di ba?

“Ang sa akin lang, huwag kayong mamuna kung mayroong ikakapuna sa inyo,” he said.

Asked kung wala ba siyang balak magpabawas ng ilong para matigil ang mga basher niya, ani Christian, “Wala. Why would I give a damn?”

Hindi raw niya kailangang baguhin ang sarili niya para lang ma-satisfy ang mga basher.

“Kumbaga, hindi n’yo naman kami pakain, sorry, triggered ako. Hindi naman kayo ang nagpalaki sa amin, so why did you set a standard na kayo lang ang masa-satisfy?

“Iyon ang gusto kong matutunan ng bashers. Sana, you’ll learn how to love yourself so that you can love others,” pagtatapos ni Christian.

Samantala, finally ay maipapalabas na ang Recipe for Love sa Nov. 21 kung saan ay kapareha ni Christian si Cora, who announced her pregnancy sa presscon.

Mula sa direksyon ni Joey Reyes, kasama rin sa movie sina Myrtle Sarrosa, Sophie Albert at Enrico Cuenca.