Binuking!

October 16, 2018
Hero Bautista

Isyu ng droga kay Kon. Hero, iniyakan ni Mayor Herbert.

BINUKING ni Konsehal Hero Bautista na umiyak sa kanya ang Kuya Herbert (Bautista) niya nu’ng gawing isyu sa kanya ang paggamit ng drugs matapos manalo bilang konsehal sa 4th District ng Quezon City.

Ayon kay Kon. Hero nang makausap ng press sa Salu resto after mag-file ng Certificate of Candidacy nu’ng Lunes, nagdesisyon siyang magpa-rehab at lumiban sa konseho ng isang taon.

“Sinadya ko na ring gawin ’yon because there was this issue na he is being tagged as one of the mayors, you know, condoning drug lords. So kumikita siya dahil binibigyan siya ng pera ng drug lords. Kasi umiyak sa akin si kuya. Hindi naman niya gagawin ’yon.

“Sabi ko kay kuya, ‘Sige, ako ang bahala.’ Sinakripisyo ko na ang sarili ko. Ginawa ko ang dapat gawin ng isang kapatid para isalba ang kapatid,” paliwanag ni Kon. Hero.

Ngayong kampanya, hindi natatakot si Hero na ibato muli ang paggamit niya ng droga.

“Ang sagot ko lang naman diyan, ‘Natuto na ako!’ Kahit anong panakot nila, ngingitian ko lang. Ang akin lang lagi, ‘If you’re judging me, I’ll prove you wrong! You are wrong!’ Baka nga tapalan ko pa ang sinasabi mo, eh, mapahiya ka pa!” saad pa niya.

Kasama ni Hero sa pag-file ng kandidatura niya ang bunsong kapatid na si Harlene.

Ano naman ang suporta niya sa desisyon ng kapatid na makipaghiwalay sa asawang si Romnick (Sarmenta)?

“Siyempre, meron silang desisyon na dapat nilang gawin. ’Ika nga, lahat may hangganan. Wala namang perpektong tao. Walang perpektong pag-ibig. Lahat may hangganan.

“Ang suporta ko sa kanya, nandito ako bilang kapatid. Mahal kita. Kung saan ka maligaya, susuportahan kita. Ganoon naman kaming magkakapatid,” rason ng konsehal.

“Wala naman tayong magagawa kung namatay na ang pag-ibig. Nirerespeto ko ang desisyon niya. Ginusto nila ’yan, eh,” dugtong ni Hero.