Binoe, ’di bagay sa Senado

October 12, 2018

Walang balak kumandidato sa pagka-senador si Robin Padilla sa 2019 elections sa kabila ng napakaraming humihikayat sa kanya. Ito ang ipinahayag ng action star sa kanyang recent Instagram post.

Nag-post si Binoe ng video clip ng yumaong Senador Miriam Santiago na ninang pala niya sa kasal. Ayon sa action star, kung nabubuhay lang ang senadora, sasabihan daw siyang ’wag tumakbo.

“Si Senator Miriam Santiago ay ninang ko sa kasal katunayan nagpunta pa siya sa Bilibid noong ako’y kinasal. Hindi ko makakalimutan ang sinabi niya sa akin bago siya lumabas ng Bilibid ‘may misyon ka rito (prison) kaya magtiis ka muna.’ Hindi siya nagkamali sapagkat walang sinuman sa Bilibid ang magsasabi na ako’y umabuso at walang naging silbi sa rehabilitasyon doon lalo sa mga lumaya dahil sa pagpasa ng bagong batas sa Illegal Possession of Firearms..

“Siguro kung buhay pa ang ninang ko at nalaman niya na ako’y hinihimok ng mga kaibigan ko at kakilala na tumakbo dahil sa mataas na ranking marahil ay ipapatawag niya ako sa kanyang retirement house at sasabihin niya sa mukha ko mismo na hindi ka nababagay sa Senado! Hindi ka nababagay sa mga taong palara! Sa mga taong dini-Diyos ang pera! Sa mga taong sumasamba sa piso!

“Frankly, she will tell me you will be killed and silenced! That is no place for lions because that place is a crocodile farm. You will be eaten alive in their very muddy and stagnant little pond,” ang caption ni Binoe sa kanyang video.

Sa latest survey ng Pulse Asia na ini-release ng nakaraang buwan para sa senatorial poll, kasama ang pangalan ni Binoe at nasa rank 11-17 siya.