Bagong Bruce Lee bibida sa ‘Mile 22’

October 06, 2018
Mile 22

Ipinagmamalaking ihandog ng VIVA International Pictures at MVP Entertainment ang Mile 22, ang ika-apat na pelikula kung saan nakatrabahong muli ng two-time Academy award nominee na si Mark Wahlberg ang direktor na si Peter Berg matapos ang kanilang mga blockbuster movies na Patriots Day, Deepwater Horizon at ang Oscar-nominated Lone Survivor.

Isang grupo na mula sa pwersang militar ng Estados Unidos na tinatawag na “Ground Branch” ay binigyan ng misyon na dalhin ang isang “foreign intelligence asset” na si   Li Noor mula sa American Embassy sa Southeast Asia patungo sa isang paliparan na may 22 milya ang layo para maitakas ito papuntang Amerika.  Kailangan magawa nila ito sa loob ng 38 minuto.

Maraming humahabol sa kanila para kunin si Noor dahil sa nalalaman nitong impormasyon tungkol sa plano ng mga terorista na wasakin ang mahigit sa anim na bansa.  Upang masigurong ligtas ang Ground Branch at si Noor, ang grupong “Overwatch” naman ang umaalalay sa kanila mula sa kabilang panig ng mundo.

Sila ay may kakaibang hacking skills na tumutulong para masubaybayan ang bawat kilos ng Ground Branch at magabayan sila sa kanilang misyon sa gitna ng bakbakan.

Si Mark Wahlberg ay gumaganap bilang si James “Jimmy” Silva, ang pinuno sa nabanggit na misyon.  Matalas ang kanyang isip at palaging nakatuon ang pansin sa trabaho.  Malaking responsibilidad para sa kanya ang pagprotekta sa kanyang bayan at sa kanyang grupo.

Ayon kay Wahlberg, ang kanyang karakter ay walang pamilya at walang karelasyon.  Para sa kanya, “the mission comes first, last, and in between.”

Si Ronda Rousey (Furious 7, The Expendables 3) ay gumaganap naman bilang si Samantha “Sam” Snow, kasama sa grupo ni Silva.  Siya ay dating kampeon ng UFC Women’s  Bantamweight  Division.  Tuwang-tuwa siya nang ibigay sa kanya ang papel na ito dahil malayo ito sa kanyang personalidad.

Ang “foreign intelligence asset” na si Li Noor ay ginagampanan ng Indonesian actor at martial arts master na si Iko Uwais, na nakilala sa mga pelikulang The Raid: Redemption and The Raid 2. Ang Mile 22 ang unang lead role niya sa Hollywood.

Ayon kay Peter Berg, si Iko ang malaking rason kung bakit niya gustong gawin ang Mile 22.  Matapos mapanood ng director si Iko sa The Raid, nagplano agad itong gawan ito ng pelikula para maipakita ang galing ng tinguriang “the next Bruce Lee” sa mas maraming manonood sa iba’t ibang bansa.

Kahit isang produkto ng imahinasyon  lamang ang Mile 22,  kumunsulta pa rin si Berg sa mga taong may karanasan ng sitwasyong ito sa tunay na buhay tulad ng Navy SEALs, Army Rangers, CIA officers at computer experts para alalayan ang mga actor at ang writers ng pelikula na gawing makatotohanan ang mga eksena.

Palabas na Mile 22 sa mga sinehan sa Pilipinas simula sa Oktubre 10.