Bad taste

September 27, 2018
Vilma Santos

Ate Vi, ’di sasabayan si Ralph sa Senado

Maging si Batangas Representative at Star for All Seasons Vilma Santos ay apektado ng sobrang mahal ng bilihin ngayon.

“Kasi ’yung ibinibigay kong pamalengke ko na marketing for one week, hindi ko na sasabihin kung magkano, for one week ’yun, imagine that same presyo ng marketing ko, four days na lang?

“Eh, hindi ko naman masisisi, nakikita ko naman sa TV ’yung pagtaas talaga,” pahayag ni Ate Vi nang makatsikahan namin last Wednesday night pagkatapos ng taping niya ng The Bottomline ni Boy Abunda kung saan ay siya ang guest.

“Eh, ’yung carrots lang, magkano tinaas ng carrots? Eh, ginagawa kong juice ang carrot,” natatawa niyang sabi.

Aniya, ang pinakaapektado talaga rito ay ’yung maliliit na tao kaya nga dapat daw talaga ay ito muna ang priority na masolusyunan ng gobyerno.

“Gawin na natin urgent ’yung solusyon. Alam ko may ginagawa kayo but make this na priority na masolusyunan,” she said.

At dahil nga nalalapit na ang eleksyon, natanong namin si Cong. Vi kung tatakbo ba siya sa higher position since may clamor din na tumakbo siya as senator.

Aniya, hindi naman pwede dahil nasa Senado pa ang asawa niyang si Sen. Ralph Recto. May three years pa raw itong nalalabi bilang senador.

“Ang pangit naman na mag-aambisyon ka, ang asawa mo, nandiyan na. Bayaan mo nang ako na lang sa Kongreso, siya na lang sa Senado.”

Dagdag pa niya, in bad taste na mag-asawa pa sila sa Senado. Biro pa niya, baka hindi pa sila magkasundo sa isang bill, doon pa sila mag-away.

Miss na miss na rin ni Ate Vi ang showbiz, pero baka raw next year pa siya makagawa ng proyekto dahil heto nga’t magiging busy rin siya sa eleksyon. Gustuhin man daw niyang gumawa ng movie, hindi talaga pwede.

Inggit na inggit nga raw siya kapag nakikita niya ang mga artista na nagti-taping ng teleserye o nagsu-shoot ng movie. 

“Gusto ko talaga. Tapos naiisip ko, ‘ang saya nila backstage, magkakainan ’yan, magtatawanan ’yan.’ Alam ko ’yung... (nangyayari sa set). Nami-miss ko ’yun siguro.

“But again, sabi ko nga, sa klase ng buhay na meron ako ngayon, if it’s meant, it’s meant. ’Pag hindi talaga ukol ’yung movie, hindi muna,” saad pa ng Star for All Seasons. 

Sa darating na kaarawan ni Ate Vi sa Nov. 3, aniya,  she will take a short break.

Balak niyang umalis ng bansa. Asia lang naman daw at five days lang siguro siya mawawala ng bansa.

Tagged Under