Ashley Diaz pinagsabihan ng amang si Joko

October 25, 2018

KAMAKAILAN ay lumagda ng five-year exclusive management contract ang 14-year-old daughter ng actor na si Joko Diaz sa misis nitong si Abby Diaz na si Ashley Diaz.

Ayon kay Joko, he was also 14 nang siya’y maging contract talent ng Viva na pinamumunuan ni Boss Vic del Rosario kaya naisip niya na ang Viva rin ang gusto niyang mangalaga sa career ng kanyang anak.

Tulad ng pinsan niyang si Kiko Estrada, si Ashley ay pangatlong generation na ng pamilya Diaz na nagsimula sa yumaong ama ni Joko, ang veteran character actor na si Paquito Diaz maging ang kapatid nitong si Romy Diaz.  Second generation naman ang magkapatid na Cheska at Joko.

Si Kiko ay anak ni Cheska sa actor na si Gary (Ejercito) Estrada habang si Ashley ay panganay sa dalawang anak ni Joko sa wife niyang si Abby Diaz habang ang bunso ay si Pacqui (7).  May dalawa pang anak si Joko, isa sa aktres na si Angelu de Leon, ang 19-year-old na si Nicole de Leon at si Josh Eigenmann kay Apples Arizabal na misis ngayon ng actor na si Gabby Eigenmann.

Samantala, pinagbilinan ni Joko si Ashley na kahit pinayagan siyang mag-showbiz ay huwag nitong pabayaan ang kanyang pag-aaral at ipinangako naman ng teener na tutuparin niya ang pangako sa ama.

Ang mag-asawang Joko at Abigail ay kasama ni Ashley na lumagda ng kontrata with Viva Artists Agency (VAA) kasama ang president ng kumpanya na si Veronique del Rosario-Corpus.