5,177 guests

Arjo, hirap na hirap magpaka-good boy sa bagong teleserye

  • Written by Leo Bukas
  • Published in Showbiz
  • Read: 255

MAY bagong teleserye ang ABS-CBN sa ilalim ng unit ng GMO. Bida ulit dito si Sylvia Sanchez na unang
binigyan ng break na magbida sa The Greatest Love ng GMO unit. Ang title ng new series ni Sylvia ay
Hanggang Saan. Pero this time, kasama na niya ang anak na si Arjo Atayde.

Mother and son ang role ng dalawa na hindi nagkakalayo sa totoong buhay. Kaya lang, mas
intense ang pagka-mother dito ni Ibyang. Kumbaga, buwis-buhay ang gagawin niya para sa anak sa bagong
Kapamilya Gold series.
    
Matapos siyang mahalin ng sambayanan bilang Gloria sa The Greatest Love, magpapakilala naman
siya as Sonya, isang matapang na nanay na kayang gawin ang lahat ng sakripisyo para sa mga anak.
    
Arjo will be portraying Paco, isang matalino at maaasahang anak na kumukuha ng abogasiya at
nagsusumikap na mabigyan ng mas kumportableng buhay ang pamilya.
    
 Ayon sa aktor, hirap na hirap siya sa bagong role dahil nasanay siyang bad boy sa FPJ’s Ang
Probinsyano ni Coco Martin.
    
“Ay grabe, mahirap pala ’yung maging mabait. Kakaibang challenge ito para sa akin.
Nakakapanibago pero masarap,” bulalas ni Arjo na magkakaroon ng bagong ka-loveteam sa serye sa
katauhan ni Sue Ramirez.
    
“Excited ako to work with her at nakita ko kaagad na talagang ibinibigay niya lahat  para sa
role. I’m looking forward na ma-develop pa ’yung karakter namin sa Hanggang Saan,” sambit pa ni Arjo.
    
Sa trailer ng Hanggang Saan ay may eksena kaagad si Sue na naka-two-piece sa beach kasama si
Arjo.
    
“Ilang araw akong hindi kumain no’n para ma-achieve ko ’yon,” pabiro niyang pahayag.
    
Hindi rin daw isyu sa kanya na porket nagbida na sa pelikula at sa iba pang teleserye ay
magiging support naman sa bagong project.
    
“Masaya ako basta meron akong trabaho. ’Yon ang importante sa akin,” rason pa niya.
    
Huling  napanood si Sue sa La Luna Sangre kung saan maganda rin ang role niya doon. Pero  nang
mag-audition siya for Hanggang Saan at napili siya ng GMO, pinatay na ang karakter niya sa La Luna.
    
Samantala, kasama rin sa Hanggang Saan sina Teresa Loyzaga, Ariel Rivera,  Yves Flores, Maris
Racal, Marlo Mortel, pati na rin sina Nikko Natividad, Rommel Padilla, Nanding Josef, Anna Luna,
Mercedes Cabral, Rubi Rubi, Viveika Ravanes, Sharmaine Suarez, Ces Quesada, Arnold Reyes, Maila Gumila
at Junjun Quintana.
    
Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Mervyn Brondial at Jeffrey Jeturian at ipalalabas na simula
Nov. 27 sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.