Anniversary concert ni Jed, puno ng pasabog

October 12, 2018

PAGTUNGTONG pa lang daw ng venue, pasabog na! ’Yan ang pangako ni Jed Madela sa mga manonood ng kanyang 15th anniversary concert, Higher than High, na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa November 16, 8 p.m.

Sey ni Jed sa concert presscon kahapon, “Pinaghandaan namin ang lahat ng numbers, lalo na ’yung opening. Simula pa lang, pasabog na, promise! Major goosebumps talaga! Ayokong mag-spoil ng sorpresa, pero sasabihin kong magsisimula ang show pagtungtong pa lang sa venue.”

Ayon sa singer, goal niyang bigyan ng kakaibang high ang kanyang audience kaya naman Higher than High ang napili nilang titulo.

Nangako siya ng “total experience” kung saan magiging interactive umano ang kauna-unahang performance niya sa Big Dome at hindi pangkaraniwan na nakaupo at nakikinig lang ang crowd sa artist.

“It’s going to be more of an exchange of energy from me and the audience kaya higher than high,” dagdag niya.

Ngayon pa lang, sold out na ang platinum section kaya naman doble ang kaba at pressure sa singer na masulit ang perang ginastos o gagastusin ng fans sa gabing iyon.

Ilang buwan din daw siyang nag-research katulong ang buong production team. Nag-ikot din daw siya’t nanood ng iba’t ibang concert para matukoy ang pulso o kung ano talaga ang pakulong magki-click sa audience.

Bilang kilalang biritero, sigurado si Jed na aabangan ang pagbirit niya sa concert. Doon daw kasi enjoy na enjoy ang mga Pinoy, “’pag nakikita na nila ang litid mo, ’yung tipong puputok na, enjoy sila doon, hahaha! Ibibigay natin ’yon,” aniya.

Bukod dito, ang importante raw ay ’wag ma-alienate ang manonood at maka-relate sa mga kantang gagawin niya at makilala ang other side niya na nakikipagkantahan at nakikipagsayawan sa crowd.

Pagtatapos ni Jed, “I want the entire coliseum to see that I’m more than just the biritero they always see on TV. I want the concert to be a reflection of my real personality.”

Makakasama niya sa Higher than High ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra at ang Madrigal Singers.