Angelika, abonado sa pagiging kapitana

October 07, 2018
Angelika Dela Cruz

Last Saturday ay dumalo kami sa opening ng bagong Barangay Hall ng Longos, Malabon sa ilalim ng pamumuno ni Barangay Captain Angelika dela Cruz na talaga namang nakakabilib dahil sa laki at ganda na mistula na ngang City Hall.

Sa totoo lang, ngayon lang yata kami nakakita ng Barangal Hall na ganu’n kaganda at kalaki na kumpleto ang pasilidad. May library, may park, multi-purpose hall na pwedeng pagdausan ng malalaking events, day care center, basketball court at may burulan pa.

Ang naturang Barangay Hall ay proyekto ni Kapitana Angelika na inabot ng P11M at aminado siyang may mga inilabas din siyang pera na galing sa kanya. Ang ibang building naman daw ay talagang ipinanghingi niya ng tulong.

Kaya nga nakaka-proud din ang aktres dahil pagpapatunay lang ito na hindi siya corrupt at hayan nga’t naglalabas pa ng sarili niyang pera.

“’Pag gusto mong kumita, hindi ka tutulong. ’Pag gusto mong tumulong, maglalabas ka. Ganu’n talaga,” aniya.

Kung tutuusin ay hindi naman niya talaga kailangan ang maliit na sweldo ng isang Barangay Captain.

“Oo naman, no! Magte-taping na lang ako, mas malaki pa ang kikitain ko. ’Di pa ako mai-stress, di pa ko magkakakaso, di pa ko magkaka-wrinkles, di pa magagalit ang mga tao sa akin,” natatawa niyang sabi.

Nakaka-dalawang termino na ang aktres bilang Barangay Captain at wala raw siyang planong tumakbo pa sa mas mataas na posisyon.

“Okay na ako dito. Marami akong natutulungan dito. Hindi naman kailangang maging konsehal, Vice Mayor, Mayor or Congressman para tumulong sa Malabon. Mayroon akong grupo. Part kasi ako ng MRRD (Mayor Rodrigo Roa Duterte) tapos city chair ako ng Malabon, so hindi ko kailangang tumakbo ng mataas para tumulong sa Malabon,” pahayag pa niya.

Noon pa raw ay marami na ang humihikayat sa kanya na tumakbo in a higher position pero ayaw daw niya talaga.

“Saka ang usapan naming mag-asawa, tatapusin ko lang ’yung term ko dito, or kahit hindi ko matapos, eh, basta ’yung may kapalit ako nang maayos, ’yung alam kong hindi magiging kawawa ‘yung maiiwan kong mga tao, I can resign.”

Sa ngayon nga ay hinahati niya ang oras niya sa kanyang pamilya, showbiz career at ito ngang pagiging Kapitana. Good thing nga na very understanding ang kanyang mister at laging nakasuporta sa kanya.

Sa kanyang showbiz career, kasama si Angelika sa bagong sitcom nina Vic Sotto at Maine Mendoza na Daddy’s Gurl. Excited nga siya dahil first time raw niyang mag-sitcom.

“First time ko rin silang (Bossing and Maine) makatrabaho pareho kaya exciting,” sey pa niya.

At nakakatuwa raw ang role niya dahil isa siyang octogenarian (80-89 years old) dito at kaya lang bata ang hitsura ay dahil sa kapapa-botox.