5,141 guests

Ang tunay na bayani sa Yolanda tragedy

Former Tacloban  Mayor Alfred Romualdez  and wife Mayor Cristina  Gonzales-Romualdez Former Tacloban Mayor Alfred Romualdez and wife Mayor Cristina Gonzales-Romualdez

SA maraming Taclobanons, si dating Tacloban Mayor Alfred Romualdez ang itinuturing na bayani ng super typhoon Yolanda, ang pinakamalakas na bagyong sumalanta sa siyudad ng Tacloban at sa mga karatig lugar ng Eastern Visayas noong Novembr 8, 2013.

Pero agad itong sinalag  ng mister ni Mayor Cristina ‘Kring-Kring’  Gonzales-Romualdez. Sa halip ay ibinalik niya ang kredito sa  kanyang  mga kababayan na siyang nagtulung-tulong para agad makabangon ang siyudad na siyang pinakamatinding sinalanta ng bagyong Yolanda na kumitil ng halos 7,000 buhay (with more than 1,000 missing).

Sa ika-apat na taon ng paggunita ng Yolanda, naging emotional si former Mayor Alfred sa kanyang mensahe nang magsalita sa Anibong Memorial  ng Brgy. Anibong kung saan matatagpuan ang harap na bahagi ng MV Eva Jocelyn, isang cargo vessel na napadpad sa may kalye at rumagasa ng 14 na bahay kung saan 11 ang nasawi.  Muling  binalikan  ng dating alkalde ang nangyari noong November 8, 2013 na hindi niya lubos maisip kung paano niya sisimulan ang pagbangon.  Pero dahil sa determinasyon at concerted efforts ng mga Taclobanon at outside aid, unti-unting nakabangon ang Tacloban.

“Padayon Tacloban” (Move Forward Tacloban), ito ang slogan ngayon ng siyudad.

Pinasalamatan ni dating Mayor Romualdez ang dating alkalde ng Davao at pangulo na ngayon na si Pres. Rodrigo Duterte dahil ito umano ang kauna-unahang mayor na nagpahatid ng tulong sa Tacloban. Sa loob lamang ng 48 oras ay personal na dumating si Pangulong Duterte at naghatid ng P2-M tulong na  may kasamang pang ibang ayuda tulad ng mga pagkain,  gamot,  mga doctor at iba pang mga tauhan ng local government ng Davao para tumulong sa Tacloban.
    
Noong isang taon sa ika-tatlong anibersaryo ng typhoon Yolanda ay dumalo sa Tacloban si Pangulong Duterte at agad itong nagbigay  ng direktiba sa iba’t ibang  mga pinuno ng  ahensiya ng pamahalaan na i-fast track ang mga pabahay para sa mga biktimang nawalan ng bahay at tirahan pati na ang mga basic facilities, services and ulitilies ng lugar.
    
Dapat sana’y muling dadalo si Pangulong Duterte sa ika-apat na paggunita ng typhoon Yolanda nung nakaraang November 8, pero hindi ito nakarating dahil kinailangan niyang lumipad patungong Vietnam for the APEC Summit kaya ipinadala niya ang kanyang kinatawan na si Undersecretary Wendel Avisado na kanyang itinalagang Presidential Assistant on Yolanda Rehabilitation at siya ring nagbasa ng mensahe ng pangulo.
    
Ang ika-apat na paggunita ng Yolanda ay sinimulan ng isang mass sa Anibong Memorial sa ganap na ika-4:30 ng hapon nung November 7 na sinundan ng wreath-laying at candle offering ceremony na pinangunahan ng  singer-actress-turned mayor ng Tacloban City na si Mayor Cristina kasama ang kanyang vice mayor at iba pang local officials ng siyudad at si dating mayor Alfred.
    
Sa araw mismo ng anibersaryo last November 8, nagkaroon ng commemorative walk sa ganap na ika-5 ng umaga na pinangunahan ng mga opisyales at empleyado ng City Hall ng Tacloban.  Pagdating ng 7 a.m. ay nagkaroon ng concelebrated mass sa Tacloban Astrodome na sinundan ng isang programa sa pinangunahan ni Mayor Kring-Kring at former mayor Alfred at iba pang local officials ng Tacloban kasama si Usec. Avisado.  Nagpakitang gilas naman ang I Love Tacloban Band, ang EVSU Dance Company at ang sikat na singer-songwriter na si Wency

Cornejo na sobrang mainit ang pagtanggap ng mga Taclobanons nang kanyang awitin ang kanyang mga classic hits tulad ng “Mangarap Ka,” “Hanggang,” “Next In Line” at “Habang May Buhay” na tila akma sa tema ng paggunita ng Yolanda.
    
Kinahapunan ay dumating si dating Sen. Bongbong Marcos na na nagpaunlak ng isang press conference bago ito tumuloy ng Holy Cross Memorial para mag-alay ng bulaklak na mga nasawi ng bagyong Yolanda.
    
Dumating din si Congresswoman Yedda Romualdez at ang mister nitong si dating Cong. Martin Romualdez sa nasabing okasyon.
    
Four years ago today matapos ang pananalasa ng bagyong  Yolanda, mabilis ang pagbangon ng Tacloban at halos wala na itong trace ngayon ng delubyong pinagdaanan noong November 8, 2013.  Balik ang pagiging masigla ng siyudad at kabi-kabila ang mga commercial establishments ng city, isang magandang indikasyon ng mabilis nitong recovery.
    
Pero muling ipinaalaala ni dating Tacloban Mayor Alfred na hindi dapat kalimutan ang matinding leksiyon na iniwan ng Yolanda laluna ang pag-alaala sa mga nasawi at naging biktima ng kalamidad.